Korean actress natagpuang patay sa loob ng maleta, 30 minuto matapos ang huling livestream
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-08 04:18:32
Korea – Natagpuang patay ang 20-anyos na Korean actress at influencer na si Yoon Ji-ah, matapos matagpuan ang kanyang katawan na bugbog at isinilid sa isang maleta, ilang sandali lamang matapos ang kanyang huling livestream.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad sa South Korea, natagpuan ang katawan ng biktima sa isang masukal na bahagi ng Muju County, North Jeolla Province, mahigit tatlong oras ang layo mula sa lugar kung saan siya huling nakita sa Yeongjong Island, Incheon.
Batay sa isinagawang autopsy, sanhi ng pagkamatay ni Yoon ang asphyxiation dahil sa neck compression o pagkakasakal, at may mga pasa at sugat na natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Isang lalaki na kinilalang si Choi, nasa edad 50, ang naaresto bilang pangunahing suspek. Inilarawan si Choi bilang isang “VIP fan” ni Yoon, na umano’y nagpapanggap na matagumpay na negosyante ngunit may matinding problemang pinansyal.
Ayon sa imbestigasyon, nagkakilala umano ang dalawa sa pamamagitan ng mga online platforms kung saan madalas mag-livestream ang aktres. Nakatanggap pa raw ng mga mamahaling regalo at suporta si Yoon mula sa suspek bago nito simulang ilayo ang sarili sa kanya.
Una ay itinanggi ni Choi ang pagkakasangkot sa krimen, ngunit kalaunan ay umamin matapos ipaalam ng mga pulis na natagpuan na ang katawan ni Yoon.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin ang eksaktong motibo ng krimen, kabilang ang posibilidad na may kinalaman ito sa pera o personal na alitan.
Ang pagkamatay ni Yoon Ji-ah ay muling nagbukas ng diskusyon sa South Korea hinggil sa kaligtasan ng mga online personalities at panganib ng labis na pakikisalamuha ng mga tagahanga sa mga public figures.