Good News: CCA at Yokohama, nagsanib-puwersa para sa isang scholarship program
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-07 00:03:48
ANGELES CITY — Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang City College of Angeles (CCA) at Yokohama Tire Philippines, Inc. (YTPI) para sa isang scholarship program na magbibigay ng full tuition, suporta sa summer classes, buwanang allowance, at book stipend sa mga piling mag-aaral.
Pinangunahan ang paglagda ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II at YTPI President and CEO Atsushi Funayama, sa presensya nina CCA OIC President Dr. Jenneth E. Sarmiento at YTPI’s Nishimon Masatsugu bilang mga saksi.
Sa ilalim ng kasunduan, ang mga kwalipikadong estudyante ng CCA ay makatatanggap ng libreng matrikula at miscellaneous fees, suporta para sa mga summer class, buwanang allowance, at book allowance bawat semestre. Layunin ng programang ito na matulungan ang mga karapat-dapat na mag-aaral na nagpapakita ng husay sa pag-aaral at mabuting asal.
Bukod dito, maaaring mag-alok ang YTPI ng mga oportunidad sa trabaho sa mga magtatapos sa ilalim ng nasabing programa—isang hakbang tungo sa mas matibay na ugnayan sa pagitan ng paaralan at industriya.
Pinuri naman ni Mayor Lazatin ang proyekto, na tinawag niyang “isang pamumuhunan para sa kinabukasan ng lungsod.” Hinikayat din niya ang mga iskolar na isabuhay ang mga Angeleñong pagpapahalaga tulad ng katatagan, disiplina, at paggalang bilang ambag nila sa patuloy na pag-unlad ng komunidad.
“Ang edukasyon ay puhunan ng pag-asa. Sa tulong ng Yokohama, mas marami tayong kabataang magtatagumpay,” ani Lazatin.
(Larawan: CCA / Facebook)