Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kris Aquino, nais pagalingin ng life coach at biohacker na si John Calub sa libreng ‘frequency healing session’

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-06 23:27:44 Kris Aquino, nais pagalingin ng life coach at biohacker na si John Calub sa libreng ‘frequency healing session’

MANILA — May pag-asa raw na matulungan si Kris Aquino sa kanyang karamdaman ayon sa kilalang life coach at biohacker na si John Calub, na nag-alok na isailalim ang aktres-TV host sa isang free frequency healing session.

Sa ginanap na mediacon ni Calub kamakailan, natanong siya tungkol kay Kris na patuloy na lumalaban sa iba’t ibang autoimmune diseases. Ayon sa kanya, kung mabibigyan lamang siya ng pagkakataon, nais niyang maipakilala kay Kris ang tinatawag niyang “Miracles Protocol” — isang alternatibong paraan ng pagpapagaling na gumagamit ng frequency therapy at biohacking techniques.

Paliwanag ni Calub, sisimulan umano ang proseso sa genetic testing upang matukoy kung namamana o emosyonal na stress-related ang pinagmulan ng karamdaman.

Kasalukuyang may Biohacking Center si Calub sa Quezon City, kung saan isinasagawa ang mga healing sessions gamit ang Rife Frequency Generator o Pulsed Electro Magnetic Frequency (PEMF) machine. Ang teknolohiyang ito ay gumagamit ng electromagnetic waves na tumatarget sa mga mikrobyo, bacteria, at virus nang hindi nakakasira sa malulusog na cells ng katawan.

Bukod dito, ipinakilala rin niya ang Optimmune, isang immune-boosting supplement na bahagi ng kanyang holistic healing approach.

Ayon kay Calub, bukas siya sa posibilidad na matulungan hindi lamang si Kris Aquino, kundi pati ang iba pang mga personalidad na may iniindang karamdaman gaya nina Doc Willie Ong at Ate Gay.

Nag-aalok si Calub ng libreng frequency healing sessions tuwing Lunes at Biyernes, mula 10 a.m. hanggang 5 p.m., sa Success Mall Office, ground floor ng Broadway Centrum, Aurora Boulevard, Quezon City. (Larawan: Kris Aquino, John Calub / Facebook)