DTI at Bangko Sentral, Itinaguyod ang Cashless Payment System sa mga Pamilihan sa Pangasinan
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-07 20:43:41
Pangasinan –Isinulong ng Department of Trade and Industry (DTI) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang paggamit ng cashless payment system sa mga pamilihan sa lalawigan ng Pangasinan, bilang bahagi ng kanilang layunin na palakasin ang digital economy at gawing mas episyente ang mga transaksyon sa mga lokal na negosyo .
Sa isinagawang Digital Payment Awareness Campaign hinihikayat ng dalawang ahensya ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), pati na rin ang mga local government units (LGUs) sa probinsya, na implementa at isulong ang paggamit ng digital payment platforms o Paleng-QR Ph program.
Layunin nitong gabayan ang mga LGU na isulong ang paggamit ng digital payments sa mga nagtitinda sa palengke, mga tindero sa komunidad, at mga operator at drayber ng tricycle sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong bansa.
“Sa pamamagitan ng cashless payment system, mas magiging madali, ligtas, at transparent ang mga transaksyon. Nais naming tulungan ang ating MSMEs na maging mas competitive sa digital market,” ani Assistant Director Natalia Dalaten
Ipinaliwanag naman ni Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat,na ang proyektong ito ay bahagi ng Digital Payments Transformation Roadmap ng Bangko Sentral, na naglalayong gawing mas digitalized ang ekonomiya ng bansa bago matapos ang dekada.
“Ang Pangasinan ay isa sa mga pangunahing probinsya na nais naming hikayatin sa paggamit ng paleng- QR Ph program sa mga palengke at tindahan upang mapabilis ang sirkulasyon ng pera sa ligtas na paraan,” dagdag niya.
Sa Pangasinan, kasalukuyang ipinapatupad ng Lungsod ng Alaminos ang programa, at malapit nang ilunsad ito ng bayan ng Calasiao.
Sa pagtatapos ng programa, tiniyak ng DTI at BSP na patuloy silang magbibigay ng orientation, training, at technical support sa mga MSMEs at LGUs sa Pangasinan upang mas mapadali ang paglipat sa digital payment ecosystem.
Larawan/google