Pope Francis, itinalaga ang paring taga-Daet bilang bagong obispo ng Pagadian
Ipinost noong 2025-04-03 11:35:51
Abril 3, 2025 — Itinalaga ni Pope Francis si Fr. Ronald Anthony Parco Timoner bilang bagong obispo ng Diocese of Pagadian sa Zamboanga del Sur. Papalitan niya si Bishop Ronald Lunas, na pumanaw noong January 2, 2024.
Ipinanganak sa Daet noong August 13, 1971, nag-aral si Timoner ng philosophy sa Holy Rosary Minor Seminary sa Naga City at nagpatuloy ng theology studies sa University of Santo Tomas. Kumuha rin siya ng licentiate in theology mula sa Pontifical University of Saint Thomas Aquinas – Angelicum.
Naordinahan bilang pari para sa Diocese of Daet noong May 1997, sinimulan ni Timoner ang kanyang paglilingkod bilang parish vicar ng Our Lady of Candelaria sa Paracale, Camarines Norte. Sumunod na taon, nagsilbi naman siya bilang parish vicar ng Saint Francis of Assisi sa Talisay.
Bukod dito, nagkaroon din siya ng iba’t ibang tungkulin sa Simbahan, kabilang ang pagiging spiritual director ng Holy Trinity College Seminary, prefect of discipline, at procurator ng parehong institusyon sa Labo, Camarines Norte. Mula 2004 hanggang 2008, naitalaga siya bilang chaplain ng Church of Saint Thomas sa Milan, Italy. Pagbalik niya sa Pilipinas, nagsilbi siya bilang chancellor ng Diocese of Daet hanggang 2016.
Mula 2014, naging parish priest siya ng San Juan Bautista sa Daet, Camarines Norte. Kasabay nito, gampanin din niya ang pagiging diocesan administrator ng Diocese of Daet. Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa pastoral at administrative roles, ngayon ay haharapin naman niya ang kanyang bagong misyon bilang obispo ng Pagadian.
Larawan: Fernando Aguilar/Facebook
