Diskurso PH

Bagong biography, nagsabing may lihim na anak na babae si Freddie Mercury


Mary Jane Barrera • Ipinost noong 2025-05-24 14:46:59
Bagong biography, nagsabing may lihim na anak na babae si Freddie Mercury

Mayo 24, 2025 — Ibinunyag ng isang bagong talambuhay na diumano’y may lihim na anak na babae si Queen frontman Freddie Mercury, na naging malapit sa kanya hanggang sa kanyang pagkamatay noong 1991.

Sa aklat na Love, Freddie, sinasabing nabuo ang bata sa isang lihim na relasyon ni Mercury noong 1976 sa asawa ng isa sa kanyang matalik na kaibigan. Ang babae, na tinukoy lamang bilang B, ay 48 taong gulang na ngayon at nagtatrabaho bilang isang medical professional sa Europa. Ilang dekada siyang nanatiling malayo sa mata ng publiko, ngunit ngayon ay pinili niyang ibahagi ang ilang detalye at personal na journal ni Mercury sa rock biographer na si Lesley-Ann Jones.

Ayon sa aklat, regular na binibisita ni Mercury ang kanyang anak at ipinagkatiwala rito ang 17 volume ng mga sulat-kamay na journal na naglalaman ng dokumentasyon ng kanyang buhay. Ang nilalaman ng talambuhay ay iniulat ng Daily Mail, kabilang ang isang liham na isinulat mismo ni B.

"Freddie Mercury was and is my father (Si Freddie Mercury ang aking ama noon at ngayon)," ani B. "We had a very close and loving relationship from the moment I was born and throughout the final 15 years of his life (Mula noong ako’y isinilang hanggang sa huling 15 taon ng kanyang buhay, napakalapit at punô ng pagmamahal ang relasyon naming dalawa)."

"He adored me and was devoted to me. The circumstances of my birth may seem, by most people’s standards, unusual and even outrageous (Minahal niya ako ng lubos at buong puso niya akong inalagaan. Maaaring sa paningin ng karamihan ay kakaiba o kahit nakagugulat ang mga pangyayari sa aking kapanganakan)."

"That should come as no surprise. It never detracted from his commitment to love and look after me. He cherished me like a treasured possession (Ngunit hindi ito dapat ikagulat. Hindi kailanman naging hadlang iyon sa kanyang pagmamahal at pag-aaruga sa akin. Itinuring niya akong isang bagay na napakahalaga sa kanya)."

Ang pagkakaroon ni Mercury ng anak ay umano’y nalaman lamang ng mga malalapit sa kanyang inner circle. Nagsimula raw siyang magsulat ng kanyang mga journal noong Hunyo 20, 1976, dalawang araw matapos ilabas ng Queen ang kanilang sikat na kantang You’re My Best Friend mula sa album na A Night at the Opera noong 1975.

Sa mga journal na iyon, ikinuwento niya ang kanyang pagkabata sa Zanzibar, ang pag-aaral sa isang British-style boarding school sa India, at ang pagtakas ng kanilang pamilya mula sa rebolusyon sa Zanzibar noong 1964 bago tuluyang manirahan sa Middlesex, hilagang-kanlurang bahagi ng London.

Ang huling entry sa journal ni Mercury ay may petsang Hulyo 31, 1991, habang unti-unti nang humihina ang kanyang katawan. Pumanaw siya makalipas lamang ang ilang buwan sa edad na 45 dahil sa bronchial pneumonia na dulot ng AIDS.

Sa isa pang liham na isinama rin sa aklat, ipinaliwanag ni B ang dahilan kung bakit niya napiling magsalita sa publiko matapos ang mahigit tatlong dekadang pananahimik.

"After more than three decades of lies, speculation and distortion, it is time to let Freddie speak (Matapos ang higit tatlumpung taon ng kasinungalingan, haka-haka, at pagbaluktot ng katotohanan, panahon na para si Freddie naman ang magsalita)," sulat niya.

"Those who have been aware of my existence kept his greatest secret out of loyalty to Freddie (Ang mga taong may alam sa aking pagkatao ay pinili itong itago bilang paggalang at katapatan kay Freddie)."

"That I choose to reveal myself in my own midlife is my decision and mine alone. I have not, at any point, been coerced into doing this (Ang desisyong lumantad sa gitna ng aking kalagitnaang edad ay akin lamang. Wala ni isang sandali na ako’y pinilit na gawin ito)."

"He entrusted his collection of private notebooks to me, his only child and his next of kin, the written record of his private thoughts, memories and feelings about everything he had experienced (Ipinagkatiwala niya sa akin ang koleksyon ng kanyang mga personal na notebook—ako, ang kanyang nag-iisang anak at tagapagmana—ang mga ito ay nasusulat na tala ng kanyang mga pribadong kaisipan, alaala, at damdamin tungkol sa lahat ng kanyang naranasan)."

Ayon kay Lesley-Ann Jones, unang nakipag-ugnayan si B sa kanya tatlong taon na ang nakalilipas. “My instinct was to doubt everything, but I am absolutely sure she is not a fantasist (Una kong inisip na hindi ito totoo, pero tiyak kong hindi siya isang mapanlikhang tao),” aniya sa Daily Mail. “No one could have faked all this. Why would she have worked with me for three and a half years, never demanding anything (Walang sinuman ang makakagaya sa ganito. Bakit siya makikipagtulungan sa akin ng tatlo’t kalahating taon, nang hindi humihingi ng kahit ano)?”

Larawan:  Carl Lender, CC BY-SA 3.0, via Wikimedia Commons