Confirmed! Kitty Duterte, Vic Singson magkarelasyon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-29 19:06:01
HULYO 29, 2025 — Kumpirmado na ang relasyon nina Kitty Duterte, ang 21-anyos na anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, at Vic Singson, ang 20-anyos na apo ni dating Ilocos Sur governor Luis "Chavit" Singson.
Ayon sa mga mapagkakatiwalaang source, madalas bumisita si Vic sa Davao para kay Kitty, at patuloy silang nag-uusap kahit magkalayo. Noon namang kamakailang biyahe ni Vic sa Amerika kasama ang kanyang lolo para sa boxing match ni Manny Pacquiao, kitang-kita ang kanilang closeness sa pamamagitan ng madalas na video calls.
Ang relasyon nila ay lalong napatunayan nang mabanggit ito mismo ni Pacquiao sa isang viral video. Matapos batiin ni Vic ang boksingero ng "Tito, kamusta?", agad nitong tinanong, "Ang girlfriend nito si Kitty?"
Sa isang panayam, binigyan naman ni Chavit ng payo ang kanyang apo na “mahalin at huwag lokohin" ang kasintahan.
Bago pa man ito, umani na ng atensyon ang mga litrato nina Kitty at Vic noong Abril 2025 sa social media, na nagdulot ng spekulasyon tungkol sa kanilang relasyon. Parehong aktibo sa public service ang dalawa, lalo na sa Ilocos Sur kung saan nakabase ang pamilya Singson.
Bagamat hindi showbiz personality si Kitty, patuloy itong binabantayan ng publiko dahil sa kanyang pamilya at personal na buhay. Samantala, si Vic ay kilala rin bilang isang six-footer at estudyante sa isang prestihiyosong unibersidad.
Walang direktang pahayag mula sa dalawa, ngunit malinaw na suportado ang relasyon nila ng kanilang mga pamilya.
(Larawan: Instagram)
