Xander Ford 2.0? Marlou, muling mapapa-retoke kay Doc Yappy
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-14 12:41:55
MAYNILA — Muling magpapa-retoke ang social media personality na si Marlou Arizala, mas kilala bilang Xander Ford, sa sikat na cosmetic surgeon na si Dr. Eric “Doc Yappy” Yapjuangco ng The Icon Clinic. Ayon sa mga ulat, layunin ni Xander na magkaroon ng panibagong transformation bilang bahagi ng kanyang pagbabalik sa entertainment industry.
Sa kanyang Instagram post, ibinahagi ni Xander ang pasasalamat sa doktor na unang tumulong sa kanya noong 2017. “Hanggang isang araw sa pagsikat ng isang umaga, nakatagpo ako ng dalawang tao na sobrang mabuti ang puso — ito ay si @docyappy at si mam @vina… tinupad nila ang kahilingan ko mabago ko ang itsura ko kaya lubos ako nagpapasalamat,” aniya.
Kinumpirma rin ni Doc Yappy ang muling pakikipag-collaborate kay Xander sa isang post noong Agosto 13, kung saan makikita silang magkasama sa The Icon Clinic. Sa caption, sinabi ng doktor:
“Guess who’s back! Marlou S Arizala!!! Medyo madami tayo gagawin, abangan sa Rated Korina! Ano ba dapat ayusin sa kanya?”
Ang teaser na ito ay agad naging usap-usapan online, at inaasahang itatampok ang buong proseso sa lifestyle show na Rated Korina.
Matatandaang si Doc Yappy ang responsable sa unang makeover ni Xander Ford, kung saan isinailalim siya sa rhinoplasty, chin implant, at anti-wrinkle treatments. Umabot sa mahigit kalahating milyong piso ang kabuuang gastos sa unang operasyon, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
Sa panayam ng Inquirer, sinabi ni Xander: “Sobra po akong na-bash dati, and I wanted something new… Dream ko po kasi talagang sumikat para makatulong sa pamilya ko. I want to go back to acting. Now, hindi na lang online ang platform na magagamit ko, pati na rin TV and movies.”
Si Doc Yappy, isang board-certified plastic surgeon at aktibong miyembro ng Philippine Association of Plastic, Reconstructive and Aesthetic Surgeons (PAPRAS), ay kilala sa kanyang mga celebrity clients kabilang sina Mocha Uson at ilang miyembro ng Mocha Girls.
Ayon sa The Icon Clinic, karamihan sa kanilang kliyente ay millennials na nais maging mas kaaya-aya ang itsura para sa kanilang career. “They want to be more pleasing, to be more beautiful. They consider that having a beautiful face and body is always an edge in most aspects of life,” ani Yapjuangco sa isang panayam.
Bagama’t hindi pa ibinubunyag ang eksaktong detalye ng bagong procedure, inaasahan ng mga tagahanga ni Xander Ford na ito ay magiging bahagi ng kanyang “rebranding” bilang aktor at influencer. At kung pagbabasehan ang teaser ni Doc Yappy, mukhang marami-rami ang nakaplanong ayusin — kaya’t abangan ang buong kwento sa Rated Korina.
