Daniel Padilla at Kaila Estrada, pinag-uusapan at shini-ship ng mga incognito fans ngayon
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-26 22:39:59
MANILA — Nag-uumigting ang usapan sa social media hinggil kina Daniel Padilla at Kaila Estrada matapos silang mamataan na magkasama pa rin kahit tapos na ang kanilang teleserye na Incognito sa ABS-CBN.
Matatandaang unang nagkasama ang dalawa sa nasabing action-serye na naging usap-usapan dahil sa matitinding eksena at chemistry ng cast. Ngayon na wala na silang proyekto on-screen, ikinagulat ng ilang netizens kung bakit madalas pa rin silang nakikitang magkasama sa labas. Ayon pa sa ilang nakakasabay nila, hindi lang basta simpleng pagkikita ang nagaganap kundi halatang nage-enjoy sila sa kanilang bonding moments kasama ang ilang kaibigan.
Hindi rin pinalampas ng entertainment host na si Ogie Diaz ang nasabing usapin at nagbigay ito ng opinyon sa kanyang vlog. Aniya: “Ang alam ko sobrang barkada ngayon ni Daniel at ni Kaila.” Gayunpaman, binuksan din niya ang posibilidad na baka may namumuong espesyal na ugnayan sa dalawa, lalo na’t pareho silang single.
Ibinahagi pa ni Ogie ang isang kwento mula sa source na nakasabay umano ng dalawa sa sinehan: “In fairness may kasamang mga barkada. Tapos yung isa sa mga nakasabay nilang nanonood sabi medyo maingay daw, medyo mabungisngis sila Daniel at yung mga barkada habang nanonood. So, masaya sila!”
Dahil dito, mas lalo pang dumami ang mga netizens na nag-ship sa tambalan nina Daniel at Kaila. Sa kabila nito, wala pa ring kumpirmasyon mula sa kampo ng dalawa kung may espesyal na namamagitan sa kanila.
Para sa ilan, maaaring simpleng pagkakaibigan lamang ito, ngunit ayon sa mga fans, “kung madalas na magkasama kahit walang trabaho, baka may something.”
Sa ngayon, nananatiling pribado sina Daniel at Kaila pagdating sa kanilang personal na buhay. Gayunpaman, patuloy na nakatutok ang publiko sa mga susunod na kaganapan, lalo na kung magkakaroon sila ng panibagong proyekto o mas malinaw na pahayag hinggil sa kanilang relasyon. (Larawan: Facebook)
