Papel na Uling?: Paper charcoal project ng unibersidad sa Bacolod, nagsisilbing solusyon sa basura at alternatibong gatong
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-21 22:28:23
BACOLOD — Isang makabuluhang inobasyon ang isinusulong ngayon ng University of St. La Salle Yu An Log College of Business and Accountancy sa Bacolod City sa pamamagitan ng paggawa ng paper charcoal o uling na gawa sa ginawang compact balls mula sa mga sirang papel. Layunin nitong bawasan ang basura sa kampus at magbigay ng alternatibong panggatong para sa komunidad.
Pinangungunahan ang proyekto ni Mr. Raymund Malapitan, katuwang ang mga NSTP facilitators at mga estudyante. Ang simpleng konsepto—paggamit sa mga nabubulok at di-nabubulok na papel na karaniwang itinatapon—ay nagiging makabuluhang solusyon laban sa lumalaking problema sa basura. Sa halip na mapunta sa tambak, ang shredded paper waste mula sa mga opisina at silid-aralan ng unibersidad ay pinoproseso, pinipiga, at iniipon upang maging compact paper uling balls na maaaring gamitin bilang pangluto at alternatibong fuel source.
Bukod sa pagiging praktikal at eco-friendly, nakatutulong ito sa pagpababa ng volume ng basura at pagpapanatili ng kalinisan sa kampus. Hinihikayat ang publiko, partikular ang mga opisina sa loob ng unibersidad, na responsableng gumamit ng papel at ipadala sa grupo ang anumang shredded waste na kanilang nalilikha.
Sa ganitong paraan, hindi lamang nababawasan ang basura, kundi nakalilikha rin ng produkto na maaaring makinabang ang komunidad. Inuuna ng proyekto ang prinsipyo ng sustainability, innovation, at community engagement, na nagpapakita ng tunay na pagiging Lasallian: “For God, for country, and for the community.” (Larawan: The New Times / Google)
