Tingnan: Asong nawala ng 2 Linggo, muling nakauwi sa kanyang pamilya
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-24 00:28:53
CEBU — Hindi inaasahan ng mag-asawang Emmanuel at ng kanyang asawa na makikita pa nilang muli ang kanilang alagang aso na si “Haven” matapos itong mawala sa gitna ng malakas na pagbaha noong Nobyembre 4 sa Cebu. Ayon kay Emmanuel Llenos, naging mahirap para sa kanila na agad na mailigtas si Haven dahil abala silang iakyat sa ikatlong palapag ng bahay ng kapitbahay, kasama ang iba pa nilang maliliit na aso, para mailigtas mula sa rumaragasang tubig-baha.
Pagbagsak ng tubig, labis ang kanilang paghihinagpis nang madiskubreng hindi nila kasama ang kanilang alagang malamute. Agad nilang sinuyod ang lugar para hanapin si Haven at nag-post din sa social media, umaasang may makakita at may magbigay ng impormasyon tungkol sa nawawala nilang aso. Ngunit dahil sa malalang pinsalang tinamo ng kanilang tahanan, kinailangan nilang pansamantalang lumipat habang patuloy na umaasa na muling mamamasdan ang kanilang alaga.
Sa kabila nito, hindi sumuko ang mag-asawa. Paulit-ulit pa ring bumabalik si Emmanuel sa kanilang bahay upang tingnan kung may bakas ng aso. At sa ikatlong pagbabalik, doon niya natagpuan si Haven — buhay, may mga paa na puno ng putik, at tila matiyagang naghihintay sa pagbabalik ng kanyang amo.
Ayon kay Emmanuel, itinuring niyang “good karma” ang himalang pagbabalik ng kanilang alaga. Naniniwala siyang maaaring bunga ito ng pagtulong niya sa isang babae na kumapit sa poste ng kuryente upang hindi matangay ng baha noong kasagsagan ng kalamidad. “Bumalik si Haven sa amin gaya ng pagbalik ng babaeng nailigtas ko sa buhay,” aniya.
Para kay Emmanuel, hindi lamang simpleng aso si Haven, kundi isang miyembro ng pamilya na nagpamalas ng hindi matitinag na katapatan — kahit pa laban sa rumaragasang baha. (Larawan: Facebook)
