‘Architects of AI’ pinangalanang TIME 2025 Person of the Year
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-12 08:49:09
NEW YORK — Ipinahayag ng Time Magazine na ang “Architects of AI” ang napili nitong 2025 Person of the Year, isang kolektibong titulo para sa mga indibidwal at grupo na nasa likod ng mabilis na pag-usbong ng artificial intelligence.
Ayon kay Sam Jacobs, Editor-in-Chief ng Time, “This is the year we feel like the people who were designing, imagining and building artificial intelligence stopped debating about how to create this technology and started racing to deploy it, and there are enormous consequences for society.”
Dalawang cover ang inilabas ng Time: isa ay nagpapakita ng walong Big Tech leaders na nakaupo sa isang beam sa ibabaw ng mga gusali, hango sa iconic na 1932 “Lunch atop a Skyscraper” photograph.
Kabilang sa mga tampok na personalidad sa cover ang mga kilalang pangalan sa teknolohiya gaya nina Elon Musk, Sam Altman (OpenAI), at iba pang prominenteng innovators sa larangan ng AI.
Sa kanilang opisyal na pahayag sa X (dating Twitter), sinabi ng Time: “For delivering the age of thinking machines, for wowing and worrying humanity, for transforming the present and transcending the possible, the Architects of AI are TIME’s 2025 Person of the Year.”
Pinili ang mga “Architects of AI” bilang Person of the Year dahil sa malawak na epekto ng artificial intelligence ngayong 2025. Ang AI ay naging sentro ng diskurso sa iba’t ibang larangan, mula sa edukasyon hanggang sa pangamba sa malawakang pagbabago sa industriya. Ang teknolohiya ay hindi na lamang usapin ng hinaharap; sa taong ito, naging bahagi na ito ng kasalukuyang pamumuhay ng tao at patuloy na humuhubog sa paraan ng ating pagtatrabaho at pamumuhay.
Bukod dito, bahagi rin ng tradisyon ng Time Magazine na hindi palaging isang tao ang pinipili para sa titulo. Noong 1982, ang personal computer ay tinawag na “Machine of the Year,” at noong 1988 naman, ang “Endangered Earth” ang binigyan ng pagkilala. Ang pagpili ngayong taon sa mga “Architects of AI” ay nagpapakita ng kahalagahan ng teknolohiya at ng mga taong nasa likod nito sa kasalukuyang panahon.
