Viral: Bata, umuwing luhaan matapos makakuha ng ‘hollow blocks’ sa exchange gift ng Christmas party
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-19 23:36:05
MANILA, Philippines — Sa halip na saya at pananabik, luha at lungkot ang inuwi ng isang bata matapos dumalo sa Christmas party ng kanilang paaralan—isang insidenteng umani ng atensyon at diskusyon sa social media.
Isang magulang na kinilalang si Carnice Fam’s Vlog ang nagbahagi ng kanyang saloobin online matapos makita ang regalong nakuha ng kanyang anak mula sa exchange gift ng kanilang Christmas party. Ayon sa kanya, ang regalo ay nakabalot pa sa isang malaking kahon na inaasahang may lamang laruan o kapaki-pakinabang na bagay para sa bata. Gayunman, laking gulat ng magulang at ng bata nang buksan ito sa bahay—ang laman ay kalahating hollow blocks at isang lumang blouse na pambabae.
Hindi napigilan ng bata ang humagulgol sa iyak matapos makita ang laman ng regalo. Ayon sa magulang, labis ang pagkadismaya ng kanyang anak na umuwing luhaan imbes na masaya at excited, gaya ng inaasahan sa isang Christmas celebration. Dahil dito, pilit umano nilang kinontak ang guro upang ipaalam ang nangyari at ipahayag ang kanilang hinaing.
Nagpaalala ang magulang sa kapwa niya magulang na minsan lamang sa isang taon ang ganitong selebrasyon sa paaralan at mahalaga itong gawing masaya at makabuluhan para sa mga bata. Aniya, nararapat na gabayan ang mga anak sa pagpili ng regalo at tiyaking sumusunod sa napagkasunduang halaga at patakaran ng exchange gift upang maiwasan ang pagkadismaya at sama ng loob. Umani ng sari-saring reaksiyon ang insidente mula sa netizens, kung saan marami ang nanawagan ng mas mahigpit na gabay ng mga magulang at paaralan upang mapanatili ang diwa ng pagbibigayan at saya ng Pasko, lalo na para sa mga bata. (Larawan: Carnice Fam’s Vlog / Facebook)
