Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tulfo pinagalitan ang anak na si Cong. Raplh dahil sa paggamit ng EDSA busway

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-01-28 21:29:14 Tulfo pinagalitan ang anak na si Cong. Raplh dahil sa paggamit ng EDSA busway

Ibinunyag ni Senador Raffy Tulfo noong Martes na pinagsabihan niya ang kanyang anak, si Quezon City 2nd District Representative Ralph Wendel Tulfo, matapos makita ang convoy nito na lumabag sa mga alituntunin ng trapiko sa EDSA Busway.

Ayon kay Tulfo, hindi niya nakikita ang anumang problema sa insidente, bagamat pinagsabihan niya ang kanyang anak.

“Pag hindi tumakas wala akong nakikitang problema. Pag hindi siya nang-abuso, hindi nagmura, wala akong nakikitang problema,” pahayag ng senador sa mga mamahayag.

“Inadmit naman niya, hindi naman siya nagsinungaling at nag-apologize siya so wala akong nakikitang problema doon as long as hindi siya tumakas, hindi siya gumamit ng plakang otso, which karapatan niyang gumamit pero hindi siya gumamit. It just shows na hindi siya abusado,” dagdag niya. 

Ayon kay Tulfo, "Ang pagkakaalam ko... nagmamadali siya. 'Yung driver niya yata ang pumasok doon sa bus stop. At pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko."

Inihayag ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng Department of Transportation na naharang ang isang convoy na konektado sa isang mambabatas noong Enero 23 dahil sa hindi awtorisadong paggamit ng EDSA Busway.

Hindi binanggit ng SAICT ang pangalan ng mambabatas.

“Pinagalitan ko siya, pinagsabihan ko, pinagalitan ko…pinagalitan ko at nag-sorry siya sa akin ang sabi ko mag-apologize ka sa lahat and that’s it,” pahayag ni Tulfo. 

Ang EDSA Busway ay may mga patakaran na dapat sundin upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero. Ang mga bus na may prangkisa mula sa LTFRB para sa EDSA Busway Route lamang ang pinapayagang gumamit ng busway. Bukod dito, pinapayagan din ang mga ambulansya, bumbero, at sasakyan ng Philippine National Police na naka-duty, pati na rin ang mga service vehicles na nagtatrabaho para sa EDSA Busway Project tulad ng mga construction, security, janitorial, at maintenance services.

Mayroon ding mga exempted na opisyal na pinapayagang gumamit ng EDSA Busway. Kabilang dito ang Pangulo ng Pilipinas, Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Chief Justice ng Supreme Court. Ang mga opisyal na ito ay may espesyal na pribilehiyo dahil sa kanilang mga tungkulin.

Para sa mga lumalabag sa mga patakaran ng EDSA Busway, may mga kaukulang parusa. Ang unang paglabag ay may multang P5,000. Para sa pangalawang paglabag, ang multa ay P10,000 at isang buwang suspensyon ng lisensya. Ang pangatlong paglabag ay may multang P20,000 at isang taong suspensyon ng lisensya. Sa ikaapat na paglabag, ang multa ay P30,000 at may rekomendasyon para sa pagbawi ng lisensya.

(Larawan mula sa Instagram)