Magkakamag-anak 'persons of interest' sa pagpatay sa empleyado ng fastfood chain
Lovely Ann L. Barrera Ipinost noong 2025-02-25 11:30:32
Kinilala na ng Caloocan City Police ang dalawa hanggang tatlong "persons of interest" na may kaugnayan sa pagpatay at pag-chop-chop sa katawan ng isang 37-anyos na service crew member ng isang fast-food chain at miyembro ng LGBTIQA+ community, ayon kay PCpt. Nelson Dizon, assistant chief ng investigation and detective management section. Kabilang sa mga persons of interest ang mga kamag-anak at isang tattoo artist na nagmamay-ari ng bahay kung saan natagpuan ang katawan ng biktima.
"Patuloy ang follow-up operation ng Caloocan Police para mahanap yung lokasyon ng persons of interest. May mga statement na naman tayo nakuha base doon sa pahayag ng kamag-anak ng suspek o person of interest," ani Dizon.
Hindi pa malinaw kung ano ang relasyon ng biktima sa tattoo artist. Ayon sa mga testigo, nakipag-inuman pa umano ang biktima sa tattoo artist bago ito mawala. Lumabas sa imbestigasyon na nawawala ang biktima simula Pebrero 18 matapos itong magpaalam na may pupuntahan lamang. Pebrero 21 nang matagpuan ang biktima sa bahay ng tattoo artist sa Phase 10, Barangay 176, North Caloocan City.
Napilitan ang mga kapitbahay na pasukin ang bahay ng tattoo artist dahil sa mabahong amoy at kawalan ng tao sa loob. Pagpasok ng bahay, natagpuan ang katawan ng biktima na nakabalot sa kutson at putol ang dalawang binti. Natagpuan pa ang isang binti sa loob ng icebox. May mga saksak din sa likod ang biktima at laslas ang leeg.
Nakaburol na ngayon ang biktima sa kanilang bahay sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Patuloy ang pagtutok ng Caloocan City Police sa paghahanap sa mga persons of interest at pagsulong ng hustisya para sa mga biktima at kanilang pamilya. Ang malagim na kasong ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng masusing imbestigasyon at pagbabantay ng komunidad sa pagresolba ng ganitong uri ng krimen. Habang patuloy na kumakalap ng ebidensya at pahayag ang mga pulis, umaasa ang komunidad na makakamit ang hustisya at kapanatagan para sa pamilya ng biktima.
Larawan: IStock
