Diskurso PH
Translate the website into your language:

Power banks na higit sa 160Wh, bawal sa lahat ng flight – CAAP

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-05 12:36:58 Power banks na higit sa 160Wh, bawal sa lahat ng flight – CAAP

Pasay City, Philippines – Nakikipagtulungan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga airline upang turuan ang mga pasahero sa tamang paghawak ng power banks at iba pang delikadong gamit habang bumibiyahe sa eroplano.

Layunin ng inisyatibang ito na palakasin ang kaalaman ng mga pasahero at tiyakin ang pagsunod sa mga regulasyon sa aviation safety.

Binigyang-diin ni Captain James Conner, pinuno ng CAAP Flight Operations Department (FOD), ang kahalagahan ng pagsunod sa mga safety protocols, lalo na matapos ang ilang insidente kung saan nagdulot ng sunog sa loob ng eroplano ang power banks.

Bagama’t bihira itong mangyari, hinimok niya ang mga biyahero na sumunod sa patakaran ng airline upang maiwasan ang ganitong sitwasyon.

Ayon sa CAAP regulations, itinuturing ang power banks bilang portable lithium-ion battery devices, kaya't mahigpit na ipinagbabawal itong ilagay sa checked baggage dahil sa panganib ng overheating. Gayunpaman, pinapayagan itong dalhin sa hand-carry baggage sa ilalim ng mga sumusunod na kondisyon:

  • Power banks hanggang 100Wh (watt-hours) – Pinapayagan nang walang limitasyon.
  • Power banks mula 100Wh hanggang 160Wh – Kailangang aprubado ng airline bago dalhin sa eroplano.
  • Power banks na higit sa 160Wh – Ipinagbabawal sa lahat ng flight.

Hinimok ng CAAP ang mga pasahero na suriin ang kapasidad ng kanilang power banks at sundin ang mga patakaran ng airline upang maiwasan ang anumang aberya sa biyahe.

Sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr), sa pangunguna ni Secretary Vince Dizon, patuloy na itinataguyod ng CAAP ang mataas na pamantayan sa aviation safety upang maprotektahan ang mga pasahero at crew.