Diskurso PH
Translate the website into your language:

Malacañang: Mas maraming commuter-friendly stations, itatayo sa Metro Manila

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-14 14:25:01 Malacañang: Mas maraming commuter-friendly stations, itatayo sa Metro Manila

MANILA, Philippines — Inanunsyo ng Malacañang nitong Huwebes na itutuloy ng gobyerno, sa pamamagitan ng Department of Transportation (DOTr), ang pagpapatupad ng mga bagong at kasalukuyang transport infrastructure projects para gawing mas accessible, maginhawa, at ligtas ang pampublikong transportasyon para sa mga Pilipino.

Sa press briefing, ibinahagi ni Palace spokesperson Usec. Clarissa Castro ang bagong development — ang pagbubukas ng SM North EDSA Concourse and Busway Station, na may modernong pasilidad para sa persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at buntis.

"Bukod sa bagong disenyo ng istasyon, sinigurado ng DOTr na may mga elevator at ramps ito para maging accessible para sa mga PWD, senior citizens at mga buntis," ani Castro.

Dagdag pa niya, layunin ng estasyon na magbigay ng mas komportableng biyahe para sa mga commuters upang mas marami silang "oras kasama ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay."

Nang tanungin ukol sa iba pang proyekto, kinumpirma ni Castro na aktibo ang gobyerno sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang mapabuti pa ang sistema ng transportasyon.

Ilan sa mga binanggit niyang malalaking proyekto ay ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway Project, at EDSA Busway Project. "Ongoing na po itong Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway Project at EDSA Busway Project," aniya. Binanggit din niya ang Cebu Bus Rapid Transit at Davao Public Transport Modernization bilang bahagi ng pagpapahusay ng urban mobility sa buong bansa.

Ibinunyag din ni Castro na palalawakin pa ang mga ganitong transport hubs sa Metro Manila, kabilang ang sa Ortigas at Asiana-EDSA Bus Station.

"Mayroon pa rin po tayo katulad ng ganyang estasyon dito po sa Ortigas Station, Asiana-EDSA Bus Station," aniya, at ipinaliwanag na bahagi ito ng PPP (public-private partnership) sa pagitan ng DOTr at SM Prime Holdings.

"Asahan po natin ang mas magaganda pa pong estasyon. Ito po ay kinabibilangan po ng iba ay donasyon din po, tulong din po ng iba mga private sectors," dagdag pa niya.

Nang tanungin kung may iba pang mga proyekto bukod sa nabanggit, tiniyak ni Castro na marami pang nakaabang na programa.

"Sabi nga po natin, napakarami po talagang proyekto. Sa panahon po ni Secretary Vince Dizon, kung iisa-isahin ko nga po ito ngayon, mapapahaba po ang oras natin at baka hindi tayo matapas," wika niya.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng EDSA Busway Project sa pagbibigay ng ginhawa sa libo-libong pasahero araw-araw.

"Kung di po ako nagkakamali, libo-libo po talaga ang sumasakay, lalo na sa MRT at sa ating busway," ani Castro.

"It's very important, especially it will be so accessible, it will be easy for the commuters to use these facilities. So, definitely, what we are catering now is the public and the commuters."

Ayon sa Malacañang, ang mga proyektong ito ay patunay sa pangako ng administrasyon na maghatid ng commuter-friendly infrastructure at siguraduhin na ang pampublikong transportasyon ay magiging mas ligtas at episyente para sa lahat ng Pilipino.

Larawan mula sa Philippine News Agency