Diskurso PH
Translate the website into your language:

8 pulis ng EPD, kulong dahil sa ₱85-M ‘hulidap’ sa Las Piñas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-04-07 09:52:54 8 pulis ng EPD, kulong dahil sa ₱85-M ‘hulidap’ sa Las Piñas

April 7, 2025 — Ikiniulong sa Las Piñas City Police Station Custodial Facility ang walong pulis mula sa District Special Operations Unit (EPD-DSOU) ng Eastern Police District (EPD) matapos silang madawit sa umano’y hulidap operation na kinasasangkutan ng P85 milyon halaga ng salapi at mga alahas.

Nangyari ang insidente noong Abril 2 sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City, sa gitna ng isang operasyon na ipinakilalang lehitimong police operation.

Ayon kay Maj. Gen. Anthony A. Aberin, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sinampahan ng mga kasong robbery, serious illegal detention, at unlawful arrest ang mga sangkot na pulis.

"This should be a stern and resounding warning to all police officers in NCRPO. I will not allow these kinds of police officers to remain in the police service and destroy the good and dedicated service of the majority of PNP members who are doing their job right," pahayag ni Aberin.

Batay sa paunang imbestigasyon, ginamit ng mga pulis ang isang arrest warrant na para sa dalawang Chinese nationals upang salakayin ang bahay ng isang Chinese businessman.

Ayon sa ulat, hindi tumugma ang negosyante sa deskripsyon ng mga taong nasa warrant, ngunit pinuwersa umano siya ng mga pulis gamit ang baril na buksan ang kanyang vault, kung saan kinuha ng mga suspek ang pera, alahas, at iba pang mamahaling gamit na nagkakahalaga ng P85 milyon. Sa ngayon, P12 milyon pa lang ang nababawi, na inangkin ng mga pulis na ebidensiya ng sinasabing tangkang panunuhol.

Binigyang-diin ni Aberin na lumabag ang operasyon sa ilang pangunahing police protocols, kabilang ang kawalan ng koordinasyon sa Southern Police District, hindi paggamit ng body-worn cameras, at paglahok ng mga non-commissioned officers bilang lider ng operasyon.

"Based on the initial result of the investigation, I am convinced that they have a different purpose in going to the house of the Chinese businessman," dagdag pa niya.

Bilang tugon, inutos ni Aberin ang pag-relieve sa buong EPD-DSOU unit at sa district director upang masiguro ang patas at independenteng imbestigasyon.

"After the investigation and if evidence will warrant, I will make sure that they will be dismissed from the service and they will rot in jail for their criminal conduct. NCRPO has no place for police scalawags," ayon pa kay Aberin.

Image Courtesy of NCRPO