Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga guro, nakasalubong ang 2 malaking buwaya sa isang ilog sa Palawan

Ipinost noong 2025-04-19 20:02:04 Mga guro, nakasalubong ang 2 malaking buwaya sa isang ilog sa Palawan

Abril 19, 2025 — Napa-"Oh my God" ang naging reaksyon ng ilang guro matapos nilang masalubong ang dalawang dambuhalang buwaya habang sakay ng bangka sa ilog ng Barangay Rabos sa Balabac, Palawan.

Ayon sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa kuhang video na mahigpit na napakapit ang isang guro sa unahan ng bangka nang matanaw ang isang buwayang nakahambalang sa dadaanan ng kanilang sasakyan. Pauwi na umano noon ang limang guro patungong mainland matapos dumalo sa closing rites ng isang eskuwelahan sa lugar.

Nang tuluyang makalapit sa mga buwaya, doon nila nakita kung gaano ito kalalaki—halos dumikit na sa kanilang bangka ang mga reptilya. Sa kabutihang-palad, ligtas na nakarating ang mga guro sa kanilang destinasyon.

Samantala, hindi pinalad ang isang mangingisda mula sa Sofronio Española, Palawan, matapos siyang kagatin ng buwaya habang nanghuhuli ng hipon sa Tagumagas River. Tinamaan siya sa binti at likod at kasalukuyang nagpapagaling sa kanyang mga sugat.

Naglabas ng paalala ang Palawan Council for Sustainable Development kaugnay ng insidente. Ayon sa konseho, breeding season ngayon ng mga buwaya kaya mas agresibo ang mga ito. Pinayuhan din nila ang publiko na iwasang tumawid o lumusong sa mga ilog mula dapithapon hanggang madaling araw, dahil ito umano ang oras ng kanilang aktibong paghahanap ng pagkain.

Larawan: CCPAPA/Canva