Pope Francis, pumanaw na sa edad na 88
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-04-21 17:28:36
ABRIL 21, 2025 — Kumpirmado ng Vatican na pumanaw na si Pope Francis, ang unang Jesuit pontiff at unang papa mula sa Latin America, nitong Lunes sa edad na 88. Inihayag ni Cardinal Kevin Farrell na ang Santo Papa ay “returned to the house of the Father” (nagbalik na sa tahanan ng Ama) nang 7:35 ng umaga oras sa Roma.
Nahalal noong 2013 matapos ang hindi pangkaraniwang pagbibitiw ni Benedict XVI, si Francis — na ipinanganak na Jorge Mario Bergoglio — ay itinaguyod ang pagpapakumbaba. Tinalikuran niya ang marangyang papal apartments at nanirahan sa isang simpleng guesthouse sa Vatican. Markado ng malawakang reporma ang kanyang panunungkulan, kasabay ng matinding pagtutol ng ilan, habang patuloy niyang itinataguyod ang mga nasa laylayan ng lipunan.
Sa kabila ng mga karamdaman, kabilang ang double pneumonia kamakailan, nanatili siyang makabuluhang lider sa mundo — tagapagtaguyod ng mga migrante, aksyon para sa klima, at diyalogo sa iba’t ibang relihiyon.
Ngunit nagdulot din ng pagkakahati ang kanyang adhikain. Inayawan siya ng mga tradisyonalista, samantalang hindi sapat para sa mga progresibo ang kanyang hakbang.
Nagluksa ang mga lider ng mundo. Tinawag siya ni Israel’s President Isaac Herzog bilang "a man of deep faith and boundless compassion" (isang taong may malalim na pananampalataya at walang-hanggang pagmamahal), habang pinuri naman ni Germany’s Friedrich Merz ang kanyang "humility and faith in God’s mercy" (pagpapakumbaba at pananalig sa awa ng Diyos). Nanawagan si Cardinal Pablo Virgilio David ng Pilipinas na patugtugin ang mga kampana bilang parangal, sa pahayag na: "I am so shocked by this. Let us please ring the bells of our churches and call our people to prayer for the eternal repose of the Holy Father Pope Francis …"
(Labis akong nagulat. Atin sanang patugtugin ang mga kampana ng ating simbahan at anyayahan ang ating mga tao na manalangin para sa walang-hanggang kapahingahan ng Santo Papa…)
(Larawan: YouTube)
