Mas mataas na loan, mas maagang access! Pag-IBIG itinaas sa 90% ang maaaring hiramin
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-02 14:12:13
2 Mayo 2025 — Inanunsyo ng Pag-IBIG Fund ang pagtaas ng maximum loanable amount sa ilalim ng Multi-Purpose Loan (MPL) program, mula 80% ay magiging 90% na ng kabuuang regular savings ng miyembro.
Layunin ng hakbang na ito na bigyang-luwag ang mga manggagawang Pilipino na nangangailangan ng panandaliang pondo.
“This increase ensures members have greater access to financial resources when needed most,” ayon sa pahayag ng Pag-IBIG Fund.
Saklaw rin ng bagong loan cap ang iba pang short-term loan programs ng ahensya, kabilang ang Health and Education Loan Programs (HELPS) at Calamity Loan.
Bukod sa mas mataas na halaga ng maaaring hiramin, pinaluwag din ang eligibility requirements—maaari nang mag-loan ang miyembro matapos ang 12 buwan ng hulog, mula sa dating 24 buwan.
“This reduction allows newer members to swiftly access funds for their immediate financial needs,” paliwanag ng ahensya.
Tiniyak ni Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta na mananatiling abot-kaya ang MPL kahit pa may mga bagong benepisyo, sa interest rate na 1.4583% kada buwan.
“Our enhanced MPL reflects Pag-IBIG Fund’s commitment to financial inclusivity and responsiveness to the needs of our labor sector,” ani Acosta.
Ipinakilala rin sa bagong MPL ang isang taong loan term bilang karagdagan sa kasalukuyang dalawang taon at tatlong taong pagbabayad—na nagbibigay ng mas malawak na pagpipilian para sa mga miyembro.
Iniulat ng Pag-IBIG Fund na noong 2024, umabot sa ₱70.3 bilyon ang naipahiram nito sa higit 3.2 milyong miyembro—ang pinakamataas sa kasaysayan ng ahensya.
Sa 2025, target nitong matulungan ang 3.6 milyong miyembro, at maipamahagi ang ₱95.3 bilyon sa cash loans.
Epektibo ang mga pagbabagong ito simula Mayo 16, 2025. Ayon sa Pag-IBIG Fund, layunin ng mga pagbabago na maisulong ang mas abot-kaya at makabuluhang serbisyo pinansyal para sa mga manggagawang Pilipino—para sa gastusing medikal, edukasyon, negosyo, o pag-aayos ng bahay.
