Babaeng pinagsasaksak ng dating kasamahan sa trabaho sa loob ng tindahan sa QC, natagpuang patay
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-05-07 11:28:55
MAYO 7, 2025 — Natagpuan ang bangkay ng isang 27-taong-gulang na babaeng sunud-sunod na sinaksak sa loob ng convenience store kung saan siya nagtatrabaho sa Quezon City. Nakunan ng CCTV ang suspek, isang dating kasamahan, habang inaatake ang biktima bago tumakas.
Si Lyka Bernardo ang biktima, na nakita sa footage na nakikipag-agawan sa 22-taong-gulang na lalaki sa loob ng tindahan sa kanto ng Tandang Sora at Quirino Highway noong gabi ng Mayo 3. Kitang-kita kung paano hinila ng suspek ang babae patungo sa kusina, hawak ang isang patalim.
Lumaban si Bernardo, ngunit kumuha pa ng isa pang kutsilyo ang salarin mula sa kusina at ipinagpatuloy ang pag-atake. Kinabukasan, natagpuan na lamang siyang walang buhay, habang ang suspek ay naglaho na.
Kinilala ng awtoridad ang suspek sa tulong ng CCTV at mga naiwang personal na gamit, kabilang ang pitaka na may ID. Ayon kay Police Captain Febie Mafrid, tagapagsalita ng QCPD, ang motibo ay nag-ugat sa alitan sa trabaho.
"Tandem sila sa mga assignment nila dito sa store. So noong nag-inventory itong si biktima, napag-alaman niya na may discrepancy doon sa kaniyang mga inventory," pahayag ni Mafrid.
Dahil dito, kinonpronta umano ng biktima ang suspek, na nagbunga sa pagkatanggal nito sa trabaho.
Patuloy ang paghahanap sa suspek habang kinukumpleto ng mga imbestigador ang ebidensya. Hinihikayat ang mga saksi na magsalita para mahuli ang salarin.
(Larawan: YouTube)
