Diskurso PH

Palasyo, sinupalpal si VP Sara: 'Sino ba talaga ang problema?'


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-05-10 09:30:55
Palasyo, sinupalpal si VP Sara: 'Sino ba talaga ang problema?'

Mayo 9, 2025 — Bumuwelta ang Malacañang kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte matapos ang mga banat nito laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa pagsasabing maaaring siya mismo at ang kanyang pamilya ang tinutukoy sa kanyang mga akusasyon.

Sa miting de avance ng mga senatorial candidate ng PDP-Laban nitong Huwebes, sinabi ni Duterte na mayroong “systematic demolition job” laban sa mga kalaban sa politika.

“In the past months, my name and my family’s name have been dragged through the mud. I have repeatedly said this before, and I will say it again now—I am not the problem of this country,” ani Duterte sa nasabing pagtitipon.

Dagdag pa niya, "Pinagbabayaran natin ngayon ang pagpili ng maling lider."

Bilang tugon, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na tila ang sarili ni Duterte at ang pamilya nito ang mas akmang inilalarawan sa kanyang mga pahayag.

“Opo, tayo po ay nakapanood ng kaniyang mga tinuran. At ang mga negatibo niya pong nabanggit doon... sa ating pagsusuri ay mukhang ang dini-describe niya po ay ang kaniyang sarili at ang pamilya Duterte,” ani Castro.

Binigyang-diin din ng opisyal ang ilang isyu sa panahon ni Duterte bilang Kalihim ng Edukasyon, tulad ng 1.5 milyong laptop na nakaimbak pa rin sa mga bodega mula 2020, P5.7 milyong spoiled milk, at P65 milyong pondo mula sa mga ghost student case.

“So, hindi po ba siya ang problema ng bansa o isa sa mga problema ng bansa?” tanong ni Castro.

Matagal nang kritikal si Duterte sa administrasyon ni Marcos, lalo na sa pagkaka-aresto ng kanyang ama, si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nahaharap ngayon sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC). Inakusahan din niya ang gobyerno ng pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kanya at sa kanyang pamilya.

Samantala, nang tanungin kung may planong kasuhan si Duterte dahil sa umano'y pagpapakalat ng fake news tungkol kay First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos, sagot ni Castro: “Sa ngayon po, wala pa po. Wala po.”

Patuloy ang bangayan sa pagitan ng kampo ni Duterte at ng administrasyon, lalo na ngayong papalapit ang impeachment trial ng Bise Presidente sa Senado, matapos itong ipasa ng Kamara.