Diskurso PH
Translate the website into your language:

Huling C$12 ginamit, naging P3.2B: OFW sa Canada wagi sa Lotto Max

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-28 11:54:35 Huling C$12 ginamit, naging P3.2B: OFW sa Canada wagi sa Lotto Max

Mayo 28, 2025 — Isang Pilipinong imigrante sa Canada ang tumama ng napakalaking C$80 milyon (katumbas ng humigit-kumulang P3.2 bilyon) sa Lotto Max draw — isa sa pinakamalaking solo winnings sa kasaysayan ng lottery sa Canada.

Si Justin Simporios, residente ng Surrey, British Columbia, ay bumili ng panalong tiket sa isang Walmart Supercentre sa Central City gamit ang huling C$12 niya — na nakalaan sana para sa burger buns at keso.

“I’m an immigrant. I came from a poor country. This money is a lot, right?” pahayag ni Simporios sa isang panayam, habang inalala ang mga pagsubok na dinanas bago ang panalo.

Pagkatuklas ng kanyang suwerte, agad siyang nagbitiw sa trabaho sa isang logistics company.

“I just threw in my resignation through an email, just an hour, two hours before I had this news conference,” aniya sa press conference ng British Columbia Lottery Corporation (BCLC).

Inilahad niya ang plano sa napakalaking premyo — uunahin ang seguridad ng pamilya, pagbabayad ng utang sa med school ng kanyang kapatid, at ang pagreretiro ng ina.

Dagdag niya, “We already have set charities in our minds, but we're just writing them down. We’re going to decide once we meet with a financial adviser; for sure, I want to give back to the community.”

Plano rin ni Simporios na dalhin ang kanyang asawa at anak sa Pilipinas sa unang pagkakataon, tulungan ang pamilya ng asawa, at tuparin ang pangarap na mapanood si LeBron James na maglaro ng live bago ito magretiro.

Kinumpirma ng BCLC na tumama si Simporios sa mga numerong 06, 10, 16, 17, 30, 38, 48 at bonus number 25 noong Mayo 9, 2025 draw.