Jinggoy Estrada iginiit: Senior High School, tanggalin na
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-05 18:17:58
June 5, 2025 - Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pagtanggal ng mandatory na Senior High School (SHS) level sa ilalim ng K to 12 program, binanggit ang kabiguang maibigay ang mga ipinangakong benepisyo at ang dagdag na pasanin nito sa mga estudyante at magulang.
Inihain ni Estrada ang Senate Bill No. 3001 na naglalayong baguhin ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013. Iginiit ng senador na matapos ang 12 taon ng pagpapatupad, hindi pa rin lubos na natamo ng SHS program ang mga layunin nito.
"Ever since this education reform was put in place, it has been met with criticisms and objections from various groups. It has been 12 years now since the enactment of the law, yet it still has not fully achieved its goal," pahayag ni Estrada.
Idinisenyo ang SHS program upang iayon ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas sa mga pandaigdigang pamantayan at bigyan ng kasanayan ang mga estudyante para sa trabaho, entrepreneurship, o higher education. Gayunman, binanggit ni Estrada ang mga isyung itinaas ng Department of Education (DepEd) tulad ng masikip na curriculum, labis na trabaho para sa mga guro at estudyante, at mababang employment rate ng mga SHS graduates — kung saan 10% lamang ang nakapasok sa trabaho, kadalasan pa sa informal sectors.
"We can’t keep letting students and their parents shoulder the extra time and cost of senior high school. Bakit natin hahayaan na patuloy na maging dagdag pasanin sa oras at gastusin ang dalawang taon sa high school level?" dagdag niya.
Batay sa Pulse Asia Research Inc. survey nitong Marso 2025, 33% lamang ng mga respondent ang nagsabing sila ay nasisiyahan sa SHS program, habang 40% naman ang hindi nasiyahan. Patuloy na bumababa ang approval rating ng SHS sa nakalipas na mga taon: mula 41% noong 2023, bumaba sa 35% noong 2024, at 33% ngayong 2025.
Inihain ni Estrada ang panukalang panatilihin ang pangunahing prinsipyo ng RA 10533 ngunit aalisin ang SHS level. Sa halip, iminungkahi niya ang isang basic education system na binubuo ng isang taon ng kindergarten, anim na taon ng elementarya, at apat na taon ng sekondarya.
"This bill is a practical step to fix our basic education system – make it more efficient, use resources better, and give students a more meaningful learning experience," diin ni Estrada.
Inaasahang magiging mainit ang debate sa panukala ni Estrada sa hanay ng mga guro, policymaker, at stakeholder habang nagpapatuloy ang diskusyon sa hinaharap ng edukasyon sa Pilipinas.
Samantala, kamakailan lamang ay binago ng Department of Education (DepEd) ang Senior High School curriculum — mula sa 15 core subjects, ginawa itong lima, at pinalawak ang work immersion hours para mas mahusay na maihanda ang mga estudyante sa trabaho. Inaasahan ang pilot implementation ng revised curriculum sa piling paaralan bago ang full rollout sa school year 2026–2027.
