Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ginawang sports car! 15 bus ng Florida Transport, sinuspinde

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-06-10 20:12:18 Ginawang sports car! 15 bus ng Florida Transport, sinuspinde

MANILA — Sinuspinde ng Department of Transportation (DOTr) ang 15 bus ng GV Florida Transport Inc. matapos kumalat ang isang viral video na nagpapakita sa ilang yunit nito na tila nag-uunahan sa isang pambansang kalsada sa Cagayan.

Ayon sa video na ipinost ng isang nag-aalalang netizen, makikitang hindi bababa sa anim na bus ang magkakasunod na nag-overtake sa isa’t isa sa Diadi–Cordon Road sa Nueva Vizcaya habang mabilis na tumatakbo. Dahil dito, agad na kumilos ang mga awtoridad sa gitna ng galit ng publiko.

Mariing kinondena ni Transportation Secretary Vince Dizon ang insidente. “I saw the statement and apology of the [GV Florida Transport] and I’m telling them now, apology not accepted… Ginawa lang sports car yung mga bus nila,” aniya.

Bilang tugon, nagpatupad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 90-araw na preventive suspension sa 15 bus na sangkot.

Binalaan ni Dizon ang kumpanya na kung tatakbong muli ang sinuspindeng bus o pauupuin sa manibela ang mga sangkot na drayber, mas mabigat na parusa ang kakaharapin nila. “Kapag nahuli namin ang [GV Florida Transport] na pinagmamaneho pa rin ang mga driver na ‘yan, pasensyahan na lang tayo,” dagdag ni Dizon.

Naglabas naman ng public apology ang GV Florida Transport, at iginiit na “does not align with our company’s values and standards” ang nasabing insidente. Dagdag nila, iniimbestigahan nila ito sa loob ng kumpanya.

Isasagawa ng LTFRB ang isang formal hearing sa Hunyo 15. Samantala, isasailalim sa mandatory drug testing ang mga drayber bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon.