Prosecution ng ICC nanawagang ibasura ang hamon ni Duterte
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-12 16:17:36
MANILA — Hinimok ng Prosecution ng International Criminal Court (ICC) ang Pre-Trial Chamber na ibasura ang hamon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa hurisdiksyon ng korte, na tinawag nilang isang “fundamental misinterpretation” ng Rome Statute.
Sa 27-pahinang dokumento na may petsang Hunyo 10, iginiit ng Prosecution na may legal na hurisdiksyon ang ICC sa mga umano’y krimeng laban sa sangkatauhan na isinagawa ni Duterte mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019—panahong miyembro pa ng Rome Statute ang Pilipinas.
“The Chamber should dismiss the Challenge. The Court is lawfully exercising its jurisdiction over this case, in accordance with Articles 5–8 and 11–13 of the Statute,” ayon sa Prosecution. Dagdag pa nito, tinanggap ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng ICC “without limitation” sa mga gawaing isinagawa habang epektibo pa ang Statute.
Ipinunto ng kampo ni Duterte na nawalan ng hurisdiksyon ang ICC nang bawiin ng Pilipinas ang pagiging kasapi sa Rome Statute noong 2019, at ang imbestigasyon ay sinimulan lamang pagkatapos maging epektibo ang withdrawal. Ngunit nilinaw ng Prosecution na nagsimula ang preliminary examination noong 2018—bago pa man ang withdrawal—at hindi maaaring gamitin ang pagkalas upang umiwas sa pananagutan, batay sa interpretasyon ng Vienna Convention on the Law of Treaties.
“It is immaterial whether the Philippines was still a State Party when the investigation was formally opened,” ayon sa Prosecution, na binigyang-diin na ang mga inihaing krimen ay naganap habang saklaw pa ng hurisdiksyon ng ICC ang bansa.
Suportado rin ng Office of Public Counsel for Victims (OPCV) ang posisyon ng Prosecution, at nagbabala na ang pagpayag sa hamon ni Duterte ay magtatakda ng mapanganib na precedent. “Most serious crimes of concern to the international community as a whole will go unpunished and the effective prosecution of atrocities committed against countless victims will never materialize,” ayon sa OPCV.
Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa Scheveningen Prison sa The Hague mula nang maaresto noong Marso sa bisa ng warrant mula sa ICC. Inaasahan siyang muling haharap sa korte sa Setyembre 23 para sa pagdinig kaugnay sa kumpirmasyon ng mga sakdal.
