Bagong FA-50 jets palalakasin ang air defense ng bansa — DND
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-14 12:38:13
MANILA — Nakumpleto na ng pamahalaan ng Pilipinas ang kasunduan na nagkakahalaga ng $700 milyon sa Korea Aerospace Industries Ltd. (KAI) ng South Korea para sa pagbili ng 12 FA-50 Block 70 light combat aircraft, ayon sa Department of National Defense (DND) nitong Sabado.
Pormal na isinagawa ang kasunduan sa pamamagitan ng Notice to Proceed na inilabas ngayong buwan, bilang bahagi ng modernization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa Philippine Air Force (PAF). Kasama sa package ang mission equipment, integrated logistics support, at isang training at logistics information system.
“The FA-50 Block 70 represents the latest evolution of the FA-50 platform, featuring advanced avionics, modern radar systems, and extended operational range,” ayon sa pahayag ng DND. Mayroon din itong active electronically scanned array (AESA) radar at aerial refueling capability na magpapalawak ng kakayahan nito sa surveillance at precision strikes.
Ang paghahatid ng mga jet ay isasagawa nang paunti-unti sa loob ng susunod na limang taon, at inaasahang makukumpleto bago matapos ang 2030. Ayon kay Assistant Secretary Arsenio Andolong, tagapagsalita ng DND, “Its acquisition marks a significant enhancement to the country’s air defense capabilities and aligns with the DND’s Comprehensive Archipelagic Defense Concept.”
Ito na ang ikalawang beses na bumili ang Pilipinas ng FA-50 mula sa KAI. Noong 2014, bumili ang bansa ng 12 unit sa halagang $420 milyon. Ginamit ang mga ito sa operasyon sa Marawi noong 2017. Sa kasalukuyan, 11 pa sa mga iyon ang operational matapos bumagsak ang isa sa Bukidnon noong Marso 2025 sa isang night operation.
“The acquisition underscores the Philippine government’s continued commitment to national defense and further strengthens bilateral defense cooperation with the Republic of Korea,” dagdag ng DND.
Tinanggap naman ni KAI CEO Kang Goo-young ang kasunduan at nagsabing, “The FA-50 is a proven model in the Asian market, and it is very encouraging that the Philippines’ stable operation over the past decade has led to this additional export.” Dagdag niya, patuloy nilang palalawakin ang presensya ng KAI sa buong mundo sa pamamagitan ng customized upgrades at support services para sa mga kliyente.
Inaasahang magiging haligi ng tactical air fleet ng PAF ang FA-50 Block 70 at magsisilbing complement sa mga hinaharap na pagbili ng multi-role fighters tulad ng F-16 o JAS-39 Gripen.
