DepEd: Filipino, English na ang gagamitin sa pagtuturo sa Kinder - Grade 3

HULYO 6, 2025 — Iniutos ng Department of Education (DepEd) ang paggamit ng Filipino at English bilang pangunahing wikang panturo sa mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3, habang pinapahintulutan pa rin ang mga rehiyonal na wika bilang pantulong. Nakasaad ang patakaran sa DepEd Order No. 020, s. 2025, na layong pagtibayin ang pag-unawa at literasiya nang walang maiiwan na mag-aaral.
Saklaw ng bagong patakaran ang lahat ng elementarya — pampubliko, pribado, estado, at maging sa mga paaralan sa ibang bansa. Kasama rin ang Filipino Sign Language para sa mga mag-aaral na bingi o mahina ang pandinig. Binigyang-diin ng DepEd na ang layunin nito ay gawing mas accessible ang pag-aaral kung saan "language should serve as a bridge, not a barrier to learning" (dapat nagsisilbing tulay, hindi hadlang, ang wika sa pagkatuto.)
Suportado ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagbabago, matapos niyang itaguyod ang pag-abolish ng mother tongue-based instruction.
Aniya, "Sa pagpapatupad natin ng polisiyang ito, umaasa tayo na magiging mas madali para sa ating mga mag-aaral na unawain ang kanilang mga aralin, lalo na’t hindi naging epektibo sa ating mga paaralan ang paggamit ng mother tongue."
Ipatutupad kaagad ang kautusan bilang bahagi ng adhikain ng DepEd para sa inclusive at learner-centered na edukasyon.
(Larawan: Philippine News Agency)