Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dating DepEd chief, PS-DBM officials kinasuhan dahil sa overpriced na laptops

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-12 14:46:58 Dating DepEd chief, PS-DBM officials kinasuhan dahil sa overpriced na laptops

MANILA — Inatasan ng Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Education Secretary Leonor Briones, dating Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) chief Christopher Lao, at 13 iba pang opisyal kaugnay ng kontrobersyal na pagbili ng P2.4 bilyong halaga ng laptops para sa mga pampublikong guro noong pandemya.

Batay sa 106-pahinang resolusyon na may petsang Hulyo 4, nakita ng Ombudsman na may probable cause para kasuhan ang mga opisyal dahil sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019), falsification of public documents, at perjury. Tinukoy sa resolusyon ang “manifest partiality, evident bad faith o gross inexcusable negligence” sa proseso ng pagbili.

Binatikos ng Commission on Audit (COA) ang mga laptop na binili sa presyong P58,300 bawat isa, dahil umano sa labis na presyo at luma na ang specs, gamit lamang ang entry-level Intel Celeron processors. Dahil sa sobrang halaga, nabawasan ang mga makinabang mula 68,500 na guro tungo sa 39,583 lamang, dahilan upang mahigit 29,000 guro ang hindi nakatanggap ng tulong.

Ayon sa Ombudsman, nagdulot ng P979 milyong pinsala sa gobyerno ang nasabing transaksyon. Tinukoy rin na ang mga laptop ay “unsatisfactory, inferior and could not be used for the intended purpose” na makapagpatuloy ng online classes.

Kabilang sa mga kinasuhan bukod kina Briones at Lao sina DepEd Undersecretaries Annalyn Sevilla at Alain Pascua, Assistant Secretary Salvador Malana III, Directors Abram Abanil at Marcelo Bragado, at ilang procurement officers mula sa PS-DBM. May ilan ding opisyal na nahaharap sa administrative penalties gaya ng dismissal from service dahil sa grave misconduct at serious dishonesty.

Isiniwalat din ng resolusyon na inaprubahan ni Briones ang backdating ng isang Memorandum of Agreement upang mapagtakpan ang fund transfer sa PS-DBM, na noon ay walang legal na kapangyarihang magsilbing procurement agent ng DepEd. Dahil dito, kinasuhan siya at anim pang opisyal ng falsification.

Ayon kay Briones, kumokonsulta siya sa kaniyang mga abogado. Si Lao naman ay wala pang pahayag.

Nauna nang siniyasat ng Senate Blue Ribbon Committee ang nasabing laptop deal at natuklasang may mga unit na napunta sa non-teaching personnel. May 1,678 laptop din umano ang nananatili sa bodega ng DepEd hanggang Agosto 2022.