PSA: BARMM, may pinakamataas na bilang ng hindi marunong bumasa't sumulat sa bansa
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-01 12:09:07
AGOSTO 1, 2025 — Ayon sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 14.4% ng mga residente ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na edad lima pataas ang hindi marunong bumasa’t sumulat — ang pinakamataas sa buong bansa.
Ito ay higit na doble sa pambansang average na 6.9%, ayon sa 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS).
“There is disparity across regions — and across provinces and highly urbanized cities,” pahayag ni Claire Dennis S. Mapa, National Statistician at Civil Registrar General ng PSA.
(May malaking agwat sa pagitan ng mga rehiyon — at maging sa mga lalawigan at lungsod.)
Ayon sa PSA, malinaw ang ugnayan ng kagutuman at mababang literacy rate, lalo na sa mga mahihirap na lugar tulad ng Mindanao.
"If a person is hungry, learning becomes a challenge," dagdag ni Mapa.
(Kapag gutom ang isang tao, mahihirapan siyang matuto.)
Kailangan umanong tugunan ang malnutrisyon at kahirapan kasabay ng pagpapabuti ng edukasyon.
Sa loob ng BARMM, ang Tawi-Tawi ang may pinakamababang basic literacy rate (60.9%) at functional literacy rate (33.2%) sa buong Pilipinas. Ibig sabihin, dalawa sa bawat tatlong residente rito ang hindi lubos na nakakaintindi ng binabasa.
Mga nangungunang lalawigan at lungsod
Sa mga probinsya, ang Apayao (95.2%) ang may pinakamataas na basic literacy rate, habang ang Benguet (87.9%) naman ang nanguna sa functional literacy.
Sa mga lungsod, ang Pasay (96.2%) ang may pinakamataas na basic literacy, samantalang ang San Juan (94.5%) ang nanguna sa functional literacy.
Binago ng PSA ang paraan ng pagsukat ng literacy matapos matuklasan noong 2019 na 2% ng mga high school graduate ay hindi pa rin functionally literate.
"Literacy is not just about reading and writing — it's about comprehension," giit ni Mapa. "And to comprehend, a person must not only be educated, but nourished and supported."
(Hindi lang basta pagbabasa at pagsulat ang literacy — kailangan ang pag-unawa. At para magawa ito, kailangan ang maayos na nutrisyon at suporta.)
Hinimok din ng PSA ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang datos para sa mas epektibong solusyon.
"We want LGUs to own the data — this is your province's result, your city's challenge. What actions should your local government take?" paghahamon ni Mapa.
(Gusto naming ang mga LGU ang magmay-ari ng datos — ito ang resulta ng inyong lalawigan, ito ang hamon ng inyong lungsod. Ano ang dapat gawin ng inyong lokal na pamahalaan?)
(Larawan: BARMM Official Website)