Ombudsman Remulla: Walang plea bargain kung di isasauli ang ninakaw
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-22 08:56:17
MANILA — Iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi papayagan ang plea bargaining sa mga kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control projects maliban na lamang kung isasauli ng mga akusado ang buong halaga ng perang ninakaw mula sa kaban ng bayan.
“Pwede mag plea-bargain basta may full restitution,” pahayag ni Remulla sa isang press conference noong Oktubre 21. Ibig sabihin, kailangang bayaran ng mga akusado ang kabuuang halaga ng ninakaw na pondo bago sila makipagkasundo sa gobyerno para sa mas magaan na parusa.
Ayon sa Ombudsman, may limang kaso na kaugnay ng ghost at substandard flood control projects na kasalukuyang isinasailalim sa preliminary investigation. “We have five cases at least going to preliminary investigation already. Which means, pwede mabilis kasi ang period naman dito to answer is 10 days. And we can join the issues immediately,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Remulla na hindi dapat tumagal ng isang taon ang proseso mula sa evaluation, fact-finding, preliminary investigation, hanggang sa pagsasampa o pagbasura ng kaso. Layunin ng kanyang tanggapan na mapabilis ang pag-usad ng mga kaso upang agad na mapanagot ang mga sangkot sa korapsyon.
Ang mga flood control projects ay naging sentro ng kontrobersiya matapos lumutang ang mga ulat ng overpricing, ghost projects, at red-flagged fund allocations sa iba’t ibang rehiyon. Inaasahan na ang mga kasong ito ay isasampa sa Sandiganbayan sa mga susunod na buwan.