LPA sa Batanes posibleng maging bagyong ‘Salome’ sa loob ng 24 oras
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-22 08:56:18
MANILA — Isang low pressure area (LPA) na matatagpuan sa hilagang bahagi ng Batanes ang may mataas na posibilidad na maging tropical depression sa loob ng 24 oras, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay PAGASA weather specialist Loriedin Dela Cruz-Galicia, ang LPA ay huling namataan sa layong 370 kilometro hilaga-hilagang silangan ng Itbayat, Batanes. “Based on our data and analysis, the weather disturbance, once it develops into a tropical depression, may make landfall over Batanes, and then it might pass close Ilocos Norte,” ani Galicia.
Kapag tuluyang naging tropical depression, ito ay papangalanang “Salome” — ang ika-19 na bagyo sa bansa ngayong 2025.
Bagama’t wala pang direktang epekto sa kalagayan ng panahon sa bansa, binigyang-diin ng PAGASA na may umiiral na malakas na northeasterly wind flow sa Batanes na maaaring makaapekto sa galaw at lakas ng LPA. Dahil dito, posible pa ring magbago ang landas at epekto ng sama ng panahon.
Samantala, patuloy na makakaranas ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan ang Mindanao, Southern Luzon, at ilang bahagi ng Visayas dahil sa intertropical convergence zone (ITCZ).
Pinapayuhan ang publiko, lalo na sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyo, na manatiling nakaantabay sa mga abiso ng PAGASA at maghanda sa posibleng epekto ng sama ng panahon.