Ano nga ba ang zero-balance billing?
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-08-02 09:12:45
MANILA — Isa sa mga pangunahing hakbang ng Department of Health (DOH) upang gawing mas accessible ang serbisyong medikal sa mga Pilipino ay ang pagpapatupad ng Zero-Balance Billing (ZBB) program. Sa ilalim ng patakarang ito, ang mga pasyente na na-admit sa basic ward accommodation ng mga pampublikong ospital na pinamamahalaan ng DOH ay hindi na kailangang magbayad ng kahit piso sa kanilang hospital bill.
Ayon sa DOH, saklaw ng ZBB ang lahat ng uri ng karamdaman, mula sa simpleng check-up hanggang sa mga operasyon, basta’t ang pasyente ay naka-confine sa ward. “Bayad na ng gobyerno ang lahat ng gastusin sa ospital—mula sa laboratoryo, gamot, x-ray, hanggang sa operasyon,” ayon sa opisyal na pahayag ng ahensya.
Paano Magagamit ang Zero-Balance Billing?
Upang magamit ang benepisyo ng ZBB, kailangang:
PhilHealth member ang pasyente. Kung hindi pa miyembro, ire-register siya ng ospital sa ilalim ng Universal Health Care.
Ma-admit sa basic ward accommodation. Hindi sakop ng ZBB ang mga pasyenteng nasa private o semi-private rooms.
Ipaalam sa ospital na nais gamitin ang ZBB upang maiproseso ang mga kinakailangang dokumento.
Ang pondo para sa ZBB ay nagmumula sa PhilHealth, Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Aling Ospital ang Saklaw?
Mayroong 87 DOH-retained hospitals sa buong bansa na nagpapatupad ng ZBB. Hindi kabilang dito ang mga ospital na pinapatakbo ng government-owned and controlled corporations (GOCC) gaya ng:
Philippine Heart Center
Lung Center of the Philippines
National Kidney and Transplant Institute
Philippine Children’s Medical Center
Makikita ang kumpletong listahan ng mga saklaw na ospital sa DOH Health Facilities Database at sa Facebook page ng DOH.
Digital Access sa eGov App
Sa isang pahayag, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isasama ang ZBB sa eGov app upang mapadali ang pag-access sa medical assistance, lalo na sa panahon ng emergency. “Patients enjoy zero balance billing in DOH hospitals. We are working to make this more accessible through digital platforms,” ani Marcos.
Ang Zero-Balance Billing ay bahagi ng mas malawak na layunin ng gobyerno na tiyaking walang Pilipino ang maiiwan pagdating sa serbisyong pangkalusugan.
