Diskurso PH
Translate the website into your language:

Beauty queen sa Leyte, natagpuang hubad, nakatali ang kamay at palutang-lutang sa dagat

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-06 08:48:50 Beauty queen sa Leyte, natagpuang hubad, nakatali ang kamay at palutang-lutang sa dagat

Leyte, Pilipinas — Isang trahedya ang gumimbal sa mga taga-Leyte matapos matagpuan ang bangkay ng isang dating beauty queen na kinilalang si Arradaza, dating Ms. Matag-ob, na palutang-lutang sa dagat, wala nang saplot, at nasa bloated stage. Pinaniniwalaang biktima siya ng pagdukot at brutal na pagpaslang, ayon sa ulat ng News5.

Ayon kay Police Major Shenna S. Layog, Acting Station Commander ng Police Station 2 sa ilalim ng Tacloban City Police Office, nakita ang bangkay ni Arradaza na hubad, nakabuka ang bibig at nakalabas ang dila, at may mga bakas ng pananakit.

“Nasa bloated stage na po ito, hubad. Ang dila nito is nakalabas na. Nakita rin po na nakatali iyong kanyang leeg saka kamay at iyong paa. Iyong mukha po nito tinakpan ng itim na tela, binalutan pa ng duct tape,” pahayag ni Maj. Layog.

Kinilala si Arradaza ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng mga tattoo na mayroon sa kanyang katawan. Batay sa imbestigasyon, huling nakita ang biktima noong Hulyo 31 sa Valencia, Ormoc City, habang naghihintay umano ng masasakyan. Sa kuha ng CCTV, isang sasakyan ang tumigil sa kanyang harapan at sapilitang isinakay siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Bagama’t hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, natukoy na ng mga awtoridad ang uri at plaka ng sasakyang ginamit sa krimen, at kasalukuyan na itong tinitunton ng mga otoridad. Patuloy ang masinsinang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at maaresto ang mga responsable.

Lubos ang dalamhati ng pamilya Arradaza, na ngayon ay nananawagan ng katarungan para sa kanilang anak. Kilala si Arradaza bilang isang mabait, masayahin, at aktibong miyembro ng kanilang komunidad, kaya’t labis ang pagkabigla ng mga taga-Matag-ob sa sinapit ng dalaga.

“Hindi siya karapat-dapat sa ganitong sinapit,” ani ng isang kaanak. “Ang hiling lang namin, hustisya. Sana hindi ito mabaon sa limot.”

Isa na namang malagim na paalala ang kasong ito sa kahalagahan ng seguridad, at sa patuloy na panawagan para sa mas mahigpit na aksyon laban sa karahasan, lalo na sa mga kababaihan.


(Source: Kami.com.ph / Tacloban Pulis Stasyon Dos)
(Larawan: Marjun Casimero Vlog / Kulot And-benong fb / facebook)