Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mayor Isko, pananagutin ang lahat ng sangkot sa viral video ng pagnanakaw ng kable ng kuryente sa Tondo

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-07 22:09:41 Mayor Isko, pananagutin ang lahat ng sangkot sa viral video ng pagnanakaw ng kable ng kuryente sa Tondo

Agosto 7, 2025 – Maynila — Imbes na tumulong sa pagbangon ng komunidad mula sa trahedya, pagnanakaw pa ang naging ambag ng dalawang lalaki na nasapul sa isang viral video habang nangunguha ng tanso mula sa mga nasunog na kable ng kuryente sa Aroma, Barangay 105, Tondo.

Ang dalawang suspek ay inaharap sa publiko ngayong gabi sa programang “Talk The People”, matapos silang maaresto kaugnay ng pagnanakaw sa gitna ng trahedyang sinapit ng daan-daang pamilya sa naganap na sunog sa lugar kamakailan.

Makikita sa kumalat na video sa Facebook ang grupo ng mga lalaki na tila walang pakundangan sa pag-agaw ng tanso mula sa mga nasunog na kabahayan at linya ng kuryente, habang ang mga biktima ng sunog ay nagkakandarapa sa pagbangon.

“’Di ba kakasabi lang natin, gusto natin mabilis ang pagbangon ng mga kababayan nating tinamaan ng sunog? Pero sa ginawa nila, lalo pang bumagal ang proseso at naperwisyo pa,” pahayag ng opisyal sa programang Talk The People. “Paano makakabalik ang kuryente kung ninakaw ‘yung mga wire?”

Ayon sa lokal na pamahalaan ng Maynila, hindi palalampasin ang ganitong uri ng krimen, lalo na sa panahon ng kalamidad kung kailan mas kailangan ang pagkakaisa at malasakit. “Mga tolongges, may gobyerno na po sa Maynila. At kung akala n’yong mapapagod kami — nagkakamali kayo! Hangga’t ‘di kayo nauubos, ‘di kami mapapagod!” dagdag pa ng opisyal.

Nagbabala rin ang awtoridad sa iba pang miyembro ng grupo na namataan sa video: “Magsitago na kayo! In a matter of time, makakalawit din namin kayo, at pananagutin ko kayo sa batas!”

Ang insidente ay umani ng matinding galit mula sa publiko, na nagsabing higit na masakit ang ginawang pananamantala kaysa sa apoy na sumunog sa kanilang tahanan. Sa halip na pag-asa, pighati at panggagalaiti ang iniwan ng insidenteng ito sa mga nasalanta ng sunog.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang iba pang sangkot. Muling nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na maging mapagmatyag at agad i-report ang ganitong uri ng krimen upang maprotektahan ang mga biktima ng sakuna mula sa pananamantala.

(Larawan: Isko Moreno Domagoso / Fb)