Tindero ng almusal, nalapnos ang buong katawan matapos masabugan ng LPG
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-07 14:49:34
MAYNILA — Isang tindero ng almusal ang kritikal matapos masabugan ng tangke ng LPG sa kanilang tahanan sa Acacia Street, Barangay 871, Pandacan, Maynila nitong umaga ng Agosto 6.
Batay sa ulat, makikita sa CCTV footage ang lalaki na naglalakad palabas ng kanilang bahay habang naglalagablab ang kanyang katawan. Agad umano niyang ginising ang dalawa niyang anak upang humingi ng tulong.
Ayon sa mga saksi, nangyari ang insidente habang naghahanda ng almusal ang biktima, na plano sana niyang ibenta sa kanyang karinderya. Sa gitna ng kanyang pagluluto, bigla na lamang umanong sumabog ang LPG tank.
Sa panayam kay Barangay Kagawad Peter Asirit, sinabi niyang sinubukan pa ng biktima na apulahin ang apoy gamit ang basang kumot. Ngunit sa kasamaang-palad, nabagsakan pa umano ito ng nasusunog na lona, dahilan upang mas lalong lumala ang kanyang mga lapnos.
Nagbayanihan ang mga residente upang maapula ang apoy at maiwasang madamay ang mga katabing bahay. Kaagad din nilang isinakay sa barangay mobile ang biktima at isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ngunit ayon sa anak ng biktima na si Anicka Benito, hindi raw agad tinanggap ng unang ospital ang kanyang ama at hindi rin ito binigyan ng agarang paunang lunas. "Nagmamakaawa po kami sa emergency, pero pinapabalik-balik kami. Habang naghihintay kami, lalong lumalala ang kondisyon ni Papa," ani Benito.
Kinalaunan ay inilipat ang biktima sa Philippine General Hospital (PGH) kung saan agad siyang isinailalim sa operasyon. Matapos ang mahigit 11 oras sa operating room, idineklara ng mga doktor na nasa stable na kondisyon na ang biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng pagsabog. Panawagan naman ng lokal na pamahalaan sa mga residente na laging suriin ang kondisyon ng kanilang LPG tanks at sundin ang tamang paghawak at pag-install nito upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Samantala, nananawagan ng tulong pinansyal ang pamilya ng biktima para sa patuloy nitong pagpapagamot.
(Larawan: Google)