U.S, maglalaan ng $250M (₱14.3B) para sa health sector ng Pilipinas
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 00:30:17
MANILA — Maglalaan ang Estados Unidos ng panibagong $250 million o tinatayang ₱14.3 billion na tulong para sa health sector ng Pilipinas, ayon sa inilabas na pahayag ng U.S. State Department.
Layon ng naturang pondo na tugunan ang mga pangunahing isyu sa kalusugan ng bansa, kabilang na ang laban kontra tuberculosis, maternal health, at ang pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa detection at mabilis na pagtugon sa mga banta ng iba’t ibang sakit.
Ayon kay U.S. Secretary of State Marco Rubio, ang bagong assistance ay nakadugtong sa $63 million (₱3.6 billion) na naunang ipinangako noong Hulyo, sa opisyal na pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Washington.
"This programming builds on the $63 million in assistance announced during President Marcos’s July official visit to Washington," ani Rubio.
Sa pamamagitan ng pondong ito, inaasahang mas mapapalakas ang kapasidad ng health system ng Pilipinas, partikular na sa pagsugpo sa mga nakahahawang sakit, pagbibigay ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan sa mga ina at bata, at pagpapalawak ng preventive health programs.
Ipinunto rin ng ilang health advocates na malaking tulong ito lalo na’t patuloy na hinaharap ng bansa ang mga hamon ng post-pandemic recovery at iba pang lumalabas na public health threats.
Ang hakbang na ito ay nakikita ring patunay ng patuloy na ugnayang pan-diplomatiko sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas, hindi lamang sa larangan ng depensa kundi maging sa pagpapalakas ng serbisyong panlipunan. (Larawan: Google)