Lalaki sa Iloilo, patay matapos 21 beses na pagsasaksakin ng ka-live-in partner ng kanyang step daughter
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-13 00:50:45.jpg)
SAN MIGUEL, ILOILO — Umantig sa damdamin ng mga residente ng Barangay Santo Niño ang isang karumal-dumal na krimen matapos brutal na pagsasaksakin ang isang 48-anyos na lalaki ng live-in partner ng kaniyang stepdaughter.
Kinilala ang biktima na si Albert Mallorca, na nagtamo ng 21 saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ayon sa ulat, natutulog ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang pasukin at atakihin ng suspek gamit ang kutsilyo. Agad na isinugod si Mallorca sa ospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Matapos ang krimen, mabilis na tumakas ang suspek at nakuhanan pa ng video habang papalabas mula sa lugar. Hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin siya ng mga awtoridad, pati na ang ginamit na kutsilyo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na posibleng motibo ng pananaksak ang pagtutol ng biktima sa relasyon ng kaniyang stepdaughter at ng suspek. Gayunman, patuloy pa ring tinutukoy ang iba pang posibleng anggulo.
Nagdulot ng matinding takot at pagkabahala sa komunidad ang naturang insidente. Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na makipagtulungan upang agad na maaresto ang salarin at maihatid ang hustisya para sa pamilya ng biktima.
Para sa mga residente, ang pangyayaring ito ay nagsilbing paalala sa panganib ng hindi pagkakaunawaan sa loob ng pamilya na maaaring humantong sa marahas na krimen. (Larawan: Google)