Presyo ng bigas, maaaring tumaas ng P1-2 dahil sa 60-araw na import ban
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-10 11:21:11
AGOSTO 10, 2025 — Inaasahang tataas ang presyo ng bigas sa mga pamilihan dahil sa suspensyon ng rice importation sa loob ng 60 araw simula sa Setyembre 1, 2025, ayon sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement.
Ayon kay Rowena Sadicon, lead convenor ng grupo, ang pagbabawas ng imported rice ay magdudulot ng mas mataas na presyo ng lokal na bigas.
"Kapag nabawasan ang imported rice, tataas naman ang lokal na bigas ... Inaasahan nating tataas ang presyo ... Ngayon pa lang may epekto na — tumaas na ang presyo ng palay," paliwanag niya. “Yung epekto, tataas ang presyo ng palay sa mga magsasaka. Tataas 'yan ng mga P1 to P2 [kada kilo] … Most likely, P1 to P2 din ang itataas sa retail price ng bigas.”
Inanunsyo ng Malacañang noong Miyerkules ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinasa sa rekomendasyon ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Kritikal naman ang Federation of Free Farmers (FFF) sa desisyon, na anila’y huli na para protektahan ang mga magsasaka. Marami na umano sa mga ito ang lubog sa utang, at may ilang nag-aalangan nang magtanim.
Bagama’t bumababa ang inflation rate ng bigas sa nakalipas na mga buwan, posibleng maantala ito dahil sa import ban.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), noong Hulyo 2025, bumaba ang presyo ng bigas kumpara sa nakaraang taon:
Regular milled: P41.31/kilo mula sa P50.90
Well-milled: P47.60/kilo mula sa P55.85
Special: P56.83/kilo mula sa P64.42
Ngunit sa gitna ng pagbaba, babalik ang pressure sa mga konsyumer kapag naubos na ang stock ng imported rice.
"Yung epekto nito sa atin ay sa supply chain," dagdag ni Sadicon.
Abangan ang susunod na pagbabago sa presyo sa mga darating na linggo.
(Larawan: Philippine News Agency)
