Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sen. Marcoleta naimbyrena kay Vice Ganda: 'Napakawalanghiya ng taong ’yun'

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-14 14:03:33 Sen. Marcoleta naimbyrena kay Vice Ganda: 'Napakawalanghiya ng taong ’yun'

MAYNILA — Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Senador Rodante Marcoleta laban sa komedyanteng si Vice Ganda matapos siyang gawing katatawanan sa isang concert sa Araneta Coliseum. 

Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, binanggit ni Marcoleta ang insidente kung saan ginamit ang kanyang pangalan sa isang biro ni Vice.

Ayon sa senador, “Nagpapatawa po siya, nakita niya ’yung dating Sen. Grace Poe na nagtatawa, siguro naging successful siya (dahil) napatawa niya si Sen. Grace Poe. Bigla ba naman niyang sinabing: ‘Tingnan nyo ’yung mukha ni Marcoleta kung matatawa ka.’” Dagdag pa niya, “Napakawalanghiya ng taong ’yun, Mr. Chair. Ayoko na pong patusin siya.”

Ang naturang biro ay bahagi ng concert nina Vice Ganda at Regine Velasquez, na sinasabing inisponsor ng mga kumpanyang may kaugnayan sa online gambling gaya ng DigiPlus, ArenaPlus, at BingoPlus — mga brand na ineendorso ni Vice. Bilang kritiko ng online gambling, pinuna ni Marcoleta ang mga celebrity endorser na umano’y nagpapalaganap ng sugal sa bansa.

Sa concert, habang nagpapatawa si Vice, nakita niya si Sen. Grace Poe na tumatawa sa audience. Biro niya, “Wow Sen. Grace tawang-tawa, wow sige nga titigan mo nga si Marcoleta kung matatawa ka.” Bagama’t sinundan ito ni Vice ng “Joke lang po, ngayon pa lang nagso-sorry na ako. I am sorry,” hindi ito ikinatuwa ni Marcoleta.

Hindi pa nagbibigay ng opisyal na tugon si Vice Ganda sa naging pahayag ng senador matapos ang pagdinig.