Diskurso PH
Translate the website into your language:

3-taong gulang, nailigtas ng bombero matapos makalunok ng laruan sa Laguna

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-16 00:09:09 3-taong gulang, nailigtas ng bombero matapos makalunok ng laruan sa Laguna

LAGUNA - Mabilis na nakapagbigay ng tulong ang isang off-duty na bombero mula sa Lucena City Fire Station nang masagip ang isang 3-taong gulang na batang babae na nakalunok ng maliit na laruan sa Barangay San Benito, Alaminos, Laguna.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lucena, pauwi si SFO1 Jan Vincent Alba mula sa BFP Regional Headquarters 4A nang mapansin ang kaguluhan sa gilid ng national road. Lumapit siya at natuklasang ang bata ay nahihirapang huminga at tila nasasamid.

Gamit ang kanyang kaalaman sa first aid, agad na isinagawa ni Alba ang abdominal thrusts upang mailabas ang bumara sa lalamunan ng bata. Ilang segundo lamang ang lumipas nang matagumpay na mailabas ang maliit na laruan na sanhi ng pagbara.

Matapos masiguro na maayos na ang paghinga ng bata, isinakay ito at agad na dinala sa San Pablo Colleges Medical Center para sa masusing pagsusuri at karagdagang gamutan.

Pinuri ng BFP ang mabilis na pagresponde ni Alba, na kahit wala sa oras ng kanyang trabaho ay agad na kumilos upang mailigtas ang buhay ng bata. Ayon sa ahensya, ang insidente ay patunay sa kahalagahan ng pagiging handa at may sapat na kaalaman sa pagbibigay ng paunang lunas sa mga sitwasyong nagbabanta sa buhay.