Diskurso PH
Translate the website into your language:

LTO, sinuspinde ang lisensya ng moto vlogger dahil sa viral na 'dancing stunt'

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-16 21:20:28 LTO, sinuspinde ang lisensya ng moto vlogger dahil sa viral na 'dancing stunt'

Manila - Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw ang lisensya ng isang moto vlogger matapos mag-viral ang kanyang video kung saan siya ay sumayaw sa ibabaw ng motorsiklo habang nakahinto sa trapiko.

Kinilala ang rider na si Rey Mark Aposacas Babiano, kilala rin sa social media bilang RBabianoTv. Sa video, makikitang tinangka niyang gawin ang tinatawag na “boat dance challenge” habang nakatayo sa kanyang motorsiklo, bagay na mariing tinutulan ng LTO dahil sa panganib na dulot nito hindi lamang sa kanya kundi maging sa ibang motorista.

Naglabas ang ahensya ng Show Cause Order (SCO) laban kay Babiano at sa nakarehistrong may-ari ng motorsiklo. Inaatasan silang magpaliwanag kung bakit hindi dapat tuluyang bawiin ang lisensya ng vlogger alinsunod sa Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, na nagbabawal sa reckless driving at maaaring magdeklara sa isang tao bilang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”

Itinakda ang isang pagdinig sa Agosto 20, 2025, ganap na ala-1 ng hapon, kung saan dapat dumalo si Babiano at magsumite ng pormal na paliwanag. Ayon sa LTO, kung hindi siya sisipot o magpapaliwanag, awtomatikong ituturing itong pag-waive ng kanyang karapatan at magdedesisyon ang ahensya batay lamang sa ebidensiyang hawak nito.

Samantala, inilagay na rin sa alarm status ang nasabing motorsiklo upang hindi ito maibenta o mailipat ng pagmamay-ari hangga’t hindi natatapos ang kaso.

Binigyang-diin ng LTO na mahigpit na ipinagbabawal ang anumang uri ng stunt sa kalsada na maaaring magdulot ng aksidente. Kaugnay nito, tiniyak ng ahensya na ipagpapatuloy nila ang crackdown laban sa mga iresponsableng motorista na inuuna ang social media content kaysa sa kaligtasan sa kalsada.

Larawan mula sa Facebook