Romualdez: tapos na ang pagtitiis! PhilHealth GAMOT package, solusyon sa mahal na medisina
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-17 18:23:13
AGOSTO 17, 2025 — Magsisimula nang ipatupad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang bagong Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT) package sa August 21, na magbibigay ng libreng gamot para sa mga miyembro nito. Mula sa dating 21 na gamot, tataas ito sa 75, kasama ang mga gamot para sa diabetes, alta-presyon, hika, at iba pang malalang sakit.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, malaking tulong ito lalo na sa mahihirap at middle-class na Pilipino na hirap sa gastos sa gamot.
"Marami tayong mga kababayan ang nagtititiis na lang sa kanilang karamdaman at hindi nagpapatingin sa doktor — hindi lamang dahil kailangan nilang magbayad para sa consultation fee at laboratory tests, kundi dahil dagdag gastos pa ang gamot na kailangan upang sila ay gumaling," pahayag niya.
Ang benepisyo ay may yearly limit na ₱20,000 bawat miyembro at maaaring makuha sa mga partner clinics at botika. Kabilang sa unang mga partner ay ang Generika Drugstore sa iba’t ibang lugar, Vidacure, at Chinese General Hospital. Sa ngayon, may 4,300 partner clinics na sa buong bansa.
Para makakuha ng libreng gamot, kailangang magparehistro sa PhilHealth YAKAP program sa pamamagitan ng eGovPH app o sa PhilHealth office. Kailangan din ng reseta mula sa doktor na accredited ng GAMOT.
Giit ni Romualdez, hindi dapat naghihirap ang mga Pilipino dahil sa kakulangan sa gamot.
Ang GAMOT package ay bahagi ng pagsisikap ng administrasyong Marcos na palawakin ang serbisyong pangkalusugan sa bansa.
(Larawan: Philippine Information Agency)
