Diskurso PH
Translate the website into your language:

Higit 910k bagong motorsiklo, nagkalat sa mga lansangan ng Pinas sa unang bahagi pa lang ng taon

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-18 18:29:17 Higit 910k bagong motorsiklo, nagkalat sa mga lansangan ng Pinas sa unang bahagi pa lang ng taon

AGOSTO 18, 2025 — Mahigit 910,000 bagong motor ang naibenta sa Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo 2025, ayon sa datos ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA). Tumalon ang bentahan ng 4.8% kumpara sa nakaraang taon, na nagpapakita ng patuloy na pagdepende ng publiko sa motor para sa pang-araw-araw na transportasyon.

Pinangunahan ng mga automatic at scooter ang merkado, na sinundan ng mga moped, street, at business-type motorcycles. 

Ayon kay Alex Cumpas, presidente ng MDPPA, naging praktikal na solusyon ang motor sa trapik at kakulangan ng mass transport. Mura, matipid, at mabilis — kaya’t patok sa mga commuter.

Sa June lamang, umabot sa 164,907 ang nabiling motor, mas mataas ng 21% kumpara sa 136,284 noong 2024. Kabilang sa mga top brands ang Honda, Yamaha, Suzuki, Kawasaki, at TVS, na umaabot sa 80-90% ng lokal na benta.

Binanggit ni Michael Ricafort, economist ng RCBC, na dahil sa mahal na gas at limitadong public transport, "The fallback is motorcycle ownership, which is more affordable than passenger cars and commercial vehicles, also cheaper on fuel consumption or electric consumption, and also cheaper to maintain."

(Ang alternatibo ay ang pagmamay-ari ng motor, na mas abot-kaya kaysa mga kotse at komersyal na sasakyan, mas tipid sa gasolina o kuryente, at mas mura rin ang maintenance.)

Sa produksyon, umakyat din ang output ng lokal na planta ng MDPPA sa 720,516 units, 10.5% higher kumpara sa 2024. Ang ibang bahagi ng demand ay posibleng napunan ng mga imported na motor mula China at Taiwan.

Target ng industriya ang bagong sales record sa 2025, na inaasahang lalampas sa pre-pandemic level noong 2019 (1.7M unit). Sa Southeast Asia, pangatlo ang Pilipinas sa motorcycle sales, pagkatapos ng Indonesia (3.1M) at Vietnam (1.28M).

Malaki ang papel ng murang financing at economic recovery sa pag-angat ng sektor. Dagdag pa ni Cumpas, patuloy ang pagtaas ng demand, lalo’t mas marami na ang bumibili bilang alternatibo sa mahal na transportasyon.

(Larawan: Facebook)