Pondo sa baha, nasa bulsa ng mga politiko? Lacson, isiniwalat ang malawakang korapsyon
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-21 09:06:03
AGOSTO 21, 2025 — Hindi na lamang baha ang problema kundi ang sistemang pagpapayaman ng mga mambabatas at kanilang mga kasabwat sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ito ang mariing isiniwalat ni Senador Panfilo Lacson sa isang privilege speech, kung saan inilantad niya ang malawakang korapsyon sa mga proyektong pang-kontrol sa baha.
Ayon kay Lacson, ang mga politiko — partikular na mga kongresista — ang siyang pangunahing nakikinabang sa mga proyektong ito sa pamamagitan ng mga kickback na umaabot sa 20 hanggang 25 porsyento ng kabuuang halaga ng proyekto. Ang natitira ay pinaghati-hatian pa ng mga district engineer ng DPWH, contractors, at maging ng mga state auditor.
“All this went straight into the pockets of the insatiably greedy – corrupt-to-the-core politicians, DPWH officials and contractors, conniving among themselves, unmindful of the lives lost and the properties destroyed, all for their lust for money,” giit ni Lacson.
(Lahat ng ito ay dumiretso sa bulsa ng mga ganid na politiko, mga opisyal ng DPWH, at contractor na nagtutulungan, hindi alintana ang mga buhay na nawala at mga ari-ariang nasira, lahat ay dahil sa kanilang kasakiman sa pera.)
Kabilang sa mga maituturing na "ghost" o pekeng proyekto ang mga naitala sa Oriental Mindoro at Bulacan. Pinangalanan din niya ang ilang contractor na sangkot sa mga substandard na proyekto: ang Eddmari Construction sa Pampanga, Silverwolves Construction Corp. sa La Union at Oriental Mindoro, at ang Sunwest Inc. sa Oriental Mindoro.
Isang partikular na kaso ang binanggit ni Lacson: ang proyekto sa Naujan, Oriental Mindoro, na nakatanggap ng P10 bilyon o 55 porsyento ng flood control budget ng lalawigan para sa 2025. Ngunit sa kabila ng malaking pondo, nabigo ang mga istruktura na pigilan ang pagbaha, at ang ilan ay gumuho na lamang.
Tinukoy din niya ang isang proyekto sa Barangay Tagumpay sa Naujan na may halagang P2.55 bilyon. Hiniwa ito sa sampung bahagi, ngunit nasira dalawang beses sa iisang taon dahil sa mga bagyo.
“The depth of corruption has become so overwhelming that it drowns us in our sad state: more than flood control, what the Filipino people badly need to see is greed control,” dagdag ng senador.
(Ang tindi na ng katiwalian, at tila ba tayo'y nalulunod na sa ating kalunus-lunos na kalagayan: higit sa pagpapatibay laban sa baha, ang mas lubhang kailangan ng mga Pilipino ay ang pagpapatibay laban sa kasakiman.)
Tumutok rin ang exposure sa representante ng unang distrito ng Oriental Mindoro, si Cong. Arnan Panaligan, na inakusahan ng paggamit ng kanyang initiative na AGILA (Aksyon ng Gobyerno at Inisyatibo sa Larangang Lehislatura) upang maglagay ng mga proyekto sa kanyang distrito gamit ang unprogrammed funds.
Pahayag ni Lacson, kung saan may multi-million na proyekto, doon umano dumadapo ang agila.
Sa kabila ng mga paratang, itinanggi ni Panaligan ang anumang kaalaman sa mga "insertion." Giit niya, ang DPWH ang may hawak ng pagpaplano at pagbid sa mga proyekto.
“The congressman has no say in coming up with the program of works, in designing and awarding,” sabi niya sa isang panayam. “It was the DPWH that identified all of that. It was the DPWH that planned … bid out and awarded the contractors for the project.”
(Ang kongresista ay walang saysay sa paggawa ng program of works, sa disenyo, at sa pag-award. DPWH ang tumukoy sa lahat ng iyan. DPWH ang nagplano ... nag-bid out at nag-award sa mga kontratista para sa proyekto.)
Ngunit nanindigan si Lacson sa kanyang mga alegasyon at nanawagan ng masinsinang imbestigasyon at pananagutan para sa mga sangkot.
(Larawan: Ping Lacson)
