Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ping Lacson iminungkahi na walang galawin sa NEP bilang eksperimento laban sa katiwalian

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-08-23 08:01:40 Ping Lacson iminungkahi na walang galawin sa NEP bilang eksperimento laban sa katiwalian

MANILA — Iminungkahi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang isang matapang na hakbang upang labanan ang umano’y paulit-ulit na katiwalian sa proseso ng pambansang badyet: isang taong “eksperimento” kung saan ang Senado ay mag-aadopt ng National Expenditure Program (NEP) ng Executive Department nang walang anumang pagbabago o insertions.

Sa panayam sa DZRH noong Huwebes ng gabi, sinabi ni Lacson, “Pwedeng for a change, ang Senate i-adopt na natin ang NEP, madali pa trabaho natin para everything is on the executive. Pag nagkaloko-loko ang implementation ng project sa 2026, kasalanan na ng executive”.

Ang NEP ay ang orihinal na panukalang badyet ng ehekutibo, na inihahanda ng Department of Budget and Management (DBM) at nagsisilbing batayan ng General Appropriations Bill (GAB). Sa kasalukuyang sistema, binabago ito ng Kongreso sa pamamagitan ng insertions at realignments, na madalas umanong nagiging daan sa “pork barrel” practices.

“Year in and year out, we see questionable insertions and realignments. This will be a one-year experiment. If it fails, we go back to the realignment,” dagdag ni Lacson.

Ang mungkahi ay kasunod ng mga kontrobersyal na pagbabago sa 2025 budget, kung saan ilang bahagi ng NEP ay umano’y “namangle” dahil sa mga huling minutong insertions. Noong 2021, iniulat ni Lacson ang mahigit ₱160 bilyong halaga ng mga proyektong may kaduda-dudang alokasyon, kabilang ang mga “parked” funds at infrastructure projects na walang malinaw na plano o suporta mula sa lokal na pamahalaan.

Plano ni Lacson na isulong ang panukala sa nalalapit na briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC). Naniniwala siyang kung parehong i-adopt ng Senado at Kamara ang NEP, mas magiging malinaw ang pananagutan sa implementasyon ng mga proyekto.

Ang mungkahing ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ni Lacson para sa transparency at accountability sa paggasta ng pondo ng bayan. Habang may agam-agam ang ilan sa feasibility ng panukala, marami rin ang umaasang ito ay magbubukas ng pinto sa mas malinis at epektibong pamamahala ng badyet.