Poong Nazareno, sinalubong ng mga deboto sa Majayjay, Laguna
Ipinost noong 2025-08-23 18:59:26
Majayjay, Laguna — Dumating ngayong araw sa bayan ng Majayjay ang Mahal na Poong Nazareno mula sa Basilica Minore ng Quiapo at pansamantalang mananatili sa Minor Basilica ni San Gregorio Magno.
Mainit na sinalubong ng mga deboto mula sa iba’t ibang barangay ang mahalagang imahe, na kilala sa buong bansa dahil sa matinding debosyon at pananampalatayang iniuukol dito. Maraming residente ng Majayjay ang dumalo upang makibahagi sa pagdating ng Nazareno at mag-alay ng panalangin.
Isang banal na misa ang isinagawa matapos ang ginanap na pagsalubong sa Poon at susundan ng benerasyon at pagpapahalik.
Ayon sa Parish Pastoral Council, gaganapin bukas ng hapon ang traslacion sa buong bayan, kung saan inaasahang dadagsa ang mga mananampalataya upang makiisa sa prusisyon. Inaasahan din ang mas mahigpit na seguridad at kaayusan sa kalsada upang matiyak ang kaligtasan ng lahat ng lalahok.
Samantala, nakatakdang ihatid pabalik ang imahe ng Poong Nazareno sa Quiapo sa darating na Lunes ng umaga, matapos ang dalawang araw na pananatili sa bayan bilang bahagi ng makasaysayang pagbisita.
Para sa mga taga-Majayjay, itinuturing nilang isang pambihirang biyaya ang pagdalaw ng Nazareno, na nagbigay ng pagkakataon sa mga hindi nakararating sa Quiapo na personal na makapagdasal at makalapit sa banal na imahe.
