Diskurso PH
Translate the website into your language:

Video interview ni Korina Sanchez kay Sarah Discaya, burado na?

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-08-24 23:29:15 Video interview ni Korina Sanchez kay Sarah Discaya, burado na?

MANILA — Hindi na mapapanood sa programang pinangungunahan ni Korina Sanchez ang kanyang panayam kay dating Pasig City mayoral candidate Sarah Discaya, matapos itong mawala sa YouTube channel ng Net25. Ayon sa ulat ng Balita, wala na ang video na orihinal na pinamagatang “A Victim of Bullying, Now a Politician.”

Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na paliwanag ang network o si Korina kung bakit bigla itong tinanggal. Ang pangyayaring ito ay nagdulot ng iba’t ibang espekulasyon lalo na’t mainit pa ang isyu kaugnay ng pahayag ni Pasig City Mayor Vico Sotto laban sa ilang mamamahayag na umano’y tumanggap ng bayad kapalit ng panayam sa mga kalaban niya noong 2025 midterm elections.

Bagama’t walang tuwirang binanggit na pangalan si Sotto, kasama sa kanyang Facebook post ang screengrab mula sa mismong panayam ni Korina kay Discaya. Dahil dito, naging sentro ng usapan ang beteranang broadcaster at nakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu.

Samantala, nananatili pa ring online ang panayam ni Julius Babao kina Sarah at sa asawa nitong si Curlee Discaya sa kanyang YouTube channel. Gayunman, nakasara na ang comment section upang maiwasan ang dagdag na kontrobersya. Habang isinusulat ang balitang ito, pumalo na sa mahigit 913,000 views ang nasabing video.

Bukod kay Korina, nadawit din ang pangalan ni Julius sa parehong alegasyon. Gayunpaman, kapwa nilang mariing itinanggi ang mga paratang.

Sa ngayon, patuloy na hinihintay ng publiko ang mas malinaw na tugon mula sa mga personalidad na nasasangkot sa usapin, lalo’t lumalawak ang interes ng publiko sa isyung ito na sumasalamin sa integridad ng media at politika sa bansa. (Larawan: PEP.ph / Google)