P100-Milyong Flood Control Project sa Lucena City, gumuho
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-08-25 20:28:55
Lucena City, Quezon – Umani ng batikos mula sa publiko at social media ang umano’y P100-milyong flood control project ni Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez matapos itong gumuho kamakailan.
Sa isang video na kumakalat online, makikita ang bumagsak na bahagi ng estruktura na halos gawa lamang sa pinaghalong buhangin at semento, at kapansin-pansin na wala halos bakal na nagsisilbing suporta. Dahil dito, nagdulot ng pangamba at tanong mula sa mga residente hinggil sa kalidad at integridad ng proyekto.
Ayon sa mga kritiko, malinaw na indikasyon ito ng poor construction practices at posibleng anomalya sa paggamit ng pondo para sa imprastruktura. Mariing binatikos ang pangyayaring ito lalo na’t malaking halaga ng kaban ng bayan ang inilaan para sa proyekto na inaasahang magbibigay proteksiyon sa lungsod laban sa pagbaha.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag mula kay Rep. Suarez o sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tumutukoy sa detalye ng proyekto at sa sanhi ng pagguho. Gayunpaman, nanawagan ang mga residente ng Lucena na imbestigahan ng Commission on Audit (COA) at mga kaukulang ahensya ang insidente upang matiyak na mapanagot ang mga responsable.
Samantala, iginiit ng ilang lokal na opisyal na kinakailangang tiyakin ang mas maayos at matibay na flood control projects, lalo na’t madalas na nakararanas ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng Quezon.
Ang insidente ay muling nagbukas ng mas malawak na diskusyon hinggil sa anomalya at katiwalian sa flood control funds na kasalukuyang iniimbestigahan sa Senado.
larawan/facebook